top of page
Search
BULGAR

Kalusugan ng mga guro at mag-aaral vs. MPOX, tiyakin

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 29, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Pinag-iingat ang lahat laban sa mpox (dating monkeypox) lalo na sa pagpasok ng mga kaso nito sa bansa ngayong taon. 


Mariing hinihimok ng inyong lingkod ang lahat ng ating mga paaralan na magpatupad ng mga hakbang upang itaguyod ang kalusugan at kaligtasan ng mga guro at mag-aaral. 


Ang kasong naiulat noong Agosto 18 sa Department of Health (DOH) ang pang-10 kumpirmadong kaso ng mpox simula noong nakaraang taon. Ayon sa DOH, ang pasyente ay 33-taong gulang na lalaking Pilipino na walang travel history sa labas ng bansa. 


Bagama’t mababa ang panganib na mahawa ang mga bata sa mpox, ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng Estados Unidos, nais pa ring bigyang-diin ng inyong lingkod na dapat magpalaganap ang mga paaralan ng kaalaman at magsulong ng mga hakbang upang itaguyod ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at mga kawani — kabilang ang regular na paghuhugas ng kamay at pag-disinfect sa mga silid-aralan at ibang espasyo. 


Patuloy nating dapat isulong ang mga hakbang upang mapanatili ang kalinisan at kaligtasan sa ating mga paaralan at sa buong bansa, lalo na’t ang unang kaso ng mpox ngayong taon ay napatunayang hindi lumabas ng bansa, at nangangahulugang nandito lang ang virus. 


Matatandaang idineklara ng World Health Organization ang pagkalat ng mpox bilang Public Health Emergency of International Concern. Pero sabi ng DOH, lahat ng mga dating kaso sa bansa ay na-isolate, natutukan, at gumaling na. 


Samantala, isinusulong din ng inyong lingkod ang Philippine Center for Disease Prevention and Control Act (Senate Bill No. 1869) bilang isa sa mga may akda ng naturang panukala. Layon nito na itatag ang Philippine Center for Disease Prevention and Control na magsisilbing technical authority sa forecasting, pagsusuri, estratehiya, at pagbuo ng mga pamantayan para mapigilan ang pagkalat ng mga sakit.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page