top of page
Search
BULGAR

Kalusugan at buhay ng mahihirap, unahin

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 23, 2023


Noong September 20, nagkaroon ng pagdinig sa Senado ukol sa budget ng Department of Social Welfare and Development para sa susunod na taon.


Sa naturang hearing, inihayag ko ang aking suporta sa budget ng ahensya, ngunit pinaalalahanan ko rin ito tungkol sa mga responsibilidad nito na dapat isakatuparan.


Simple lang naman ang ating layunin, dapat na unahin ang mga mahihirap. Bilang chair ng Senate Committee on Health, naniniwala ako na ang kalusugan at buhay ng bawat Pilipino ay mahalaga.


Katumbas nito ay isang malusog at mahabang buhay sa bawat mamamayan. Lagi nating tandaan na ang katumbas ng kalusugan ay buhay ng bawat Pilipino.


Isa sa mga responsibilidad ng DSWD, ayon sa Malasakit Centers Act, na tayo ang principal sponsor at may-akda, ang patuloy na suporta sa Malasakit Centers program.


Bilang isa sa mga ahensyang namimigay ng tulong pampagamot sa mga one-stop shop na ito, nararapat lamang na siguruhin ng ahensya na may social worker o personnel ito sa 159 na Malasakit Centers na matatagpuan sa iba’t ibang panig ng ating bansa.


Napakahalaga na ang apat na pangunahing ahensya sa mga Malasakit Centers — kabilang na ang Department of Health, Philippine Charity Sweepstakes Office, PhilHealth, at DSWD — ay maging tapat sa kanilang mandato na magbigay ng karampatang tulong at serbisyong medikal sa ating mga kababayan sa mabilis at maginhawang paraan.


Maliban sa Malasakit Centers, hinimok ko rin ang DSWD na mas lalong paigtingin ang implementasyon ng mga programang nakakatulong sa mahihirap nasaan man sila sa bansa tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, Sustainable Livelihood Program, at Balik Probinsya, Bagong Pag-asa na ating isinulong noon.


Ang mga programang ito ay hindi lamang nagbibigay ng agarang tulong pinansyal sa ating mga kababayan, kundi nagbibigay rin ng pangmatagalang solusyon upang malampasan ang kahirapan.


Kaya’t mahalaga na siguruhing maayos ang implementasyon ng mga ito upang mas maraming Pilipino ang makikinabang.


Isa sa mga pangunahing tungkulin din ng DSWD ay ang pagbibigay ng agarang tulong sa mga nangangailangan. Isa na rito ang kanilang Assistance to Indigents in Crisis Situations program. Kaya’t pinaalalahanan ko ang DSWD na siguruhing hindi made-delay ang ayuda para sa mga benepisyaryong qualified at na-validate na nila mismo na walang ibang matakbuhan kundi ang gobyerno.


Sa pagdinig na iyon, nangako naman si DSWD Secretary Rex Gatchalian na gagawa ito ng paraan para maibigay ang tulong mula sa gobyerno sa mga nararapat na makatanggap nito. Ayon sa datos ng DSWD, and’yan naman ang pondo. Gamitin sana agad para makatulong at huwag na sanang patagalin pa dahil marami ring naghihirap na mga kababayan.


Kaakibat ng pagsuporta sa mga programang makakatulong sa mahihirap, patuloy rin ako at ang aking tanggapan sa aming misyon na mas ilapit ang mga tulong at serbisyo ng gobyerno sa mga komunidad na nangangailangan nito.


Noong September 21, nagtungo tayo sa San Mateo, Rizal para saksihan ang groundbreaking ng isang Super Health Center doon. Kasama natin sa pagtitipon sina Rizal Governor Nina Ricci Ynares, San Mateo Mayor Bartolome “Omie” Rivera, Jr., Vice Mayor Jaime Romel Roxas at iba pang opisyal. Sa ating pakikipagtulungan sa DOH, LGUs at mga kapwa natin mambabatas, magkakaroon ng 307 Super Health Center sa year 2022 at 322 na Super Health Center sa year 2023 sa buong Pilipinas kasama na r’yan itong sa San Mateo.


Nakiisa rin tayo sa 451st Founding Anniversary ng naturang bayan kung saan binigyang-diin natin ang importansya ng pagkakaisa lalo na sa mga panahon ng pagsubok.


Nagpapasalamat naman ako sa local government ng San Mateo dahil sa parangal na iginawad nila sa akin. With or without award ay magseserbisyo ako sa aking mga kapwa Pinoy.


Nagbigay rin tayo ng dagdag suporta sa mga nawalan ng trabaho, kabilang na ang 630 sa Iligan City, Lanao del Norte na benepisyaryo rin ng TUPAD program ng DOLE; at 315 sa Merida, Leyte.


Nagkaloob din tayo ng personal na tulong sa 10 na biktima ng sunog sa Mataas na Kahoy, Batangas; at 30 naman sa Lumban, Laguna. Namahagi tayo ng assistance sa 25 TESDA graduates sa Guagua, Pampanga.


Samantala, 102 na nasunugan sa mga barangay ng Inayawan, Kasambagan, at Dujo Fatima sa Cebu City ang nakatanggap ng tulong mula sa NHA, na ating isinulong noon at ipinagpapatuloy ngayon upang mabigyan ng pambili ng yero, pako at iba pang materyales na pampaayos ng bahay ang mga biktima ng sakuna. Bukod sa ayuda mula sa NHA, may personal na tulong din akong ipinamahagi sa kanila.


Nagpadala rin tayo ng ating mensahe sa 50th anniversary ng Tawi-Tawi noong September 22. Noong September 21, dumalo ang aking opisina sa ceremonial turnover ng Super Health Center sa Barangay Sangali, Zamboanga City.


Ang bawat programa, bawat pondo, at bawat hakbang na ating ginagawa ay para sa kapakanan ng bawat kababayan. Magtulungan tayo upang marating ang ating iisang hangarin na walang Pilipino na magugutom o maiiwan sa ating pagbangon sa anumang krisis na ating kinakaharap.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page