ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 21, 2021
Inulan tayo ng mga mensahe sa social media matapos na ipalabas noong Sabado ang ikatlong episode ng Agimat ng Agila na tulad ng mga naunang episode ay muling tinutukan at napanatili nito ang mahigit sa 16 points na ratings.
Grabe ang sinapit ni Major Gabriel Labrador, isang forest ranger na aking ginagampanan, dahil matapos paslangin ang kanyang pamilya at sunugin ang kanilang bahay ay siya pa ngayon ang sinet-up at pinagbibintangang may gawa ng krimen.
Maraming ganitong pangyayari kahit sa tunay na buhay na inaakusahan at sinasampahan ng kung anu-anong kaso kahit imbento lamang para wasakin ang pagkatao ng nais nilang alisin sa kanilang landas o balakid sa kanilang masamang balakin.
Magkahalong tuwa at bahagyang kalungkutan ang ating naramdaman dahil sa iba’t ibang reaksiyon ng ating mga tagasubaybay hinggil sa nagiging takbo na ng istorya ng Agimat ng Agila.
Marami ang nagpadala ng mensahe na bitin umano ang Agimat ng Agila dahil sa hindi umano sapat ang isang oras para sa isang linggo nilang pag-aabang bukod pa sa napakarami ng advertisements.
Sana ay maintindihan ng ating mga tagasubaybay na kaya maraming advertisements ang Agimat ng Agila dahil sa napakataas ng ratings nito at isa ito sa basehan na napakarami ng mga nanonood sa ating programa.
May mga nalungkot sa sinapit ng mag-ina ni Major Labrador na maihahambing pa naman sana sa isang halos perpektong pagsasama ng isang buhay may asawa ang kanilang sitwasyon kapiling ang kanilang nag-iisang anak.
Nakakatuwa ring malaman na maraming bata ang umiyak dahil sa pag-aakalang patay na rin si Major Labrador, ngunit agad ding nagsitahan nang makita nilang iniligtas ito ng Agila na si Mulong sa tulong ni Nanay Berta na ginampanan ni Elizabeth Oropesa.
Tuwang-tuwa rin ang marami sa mga eksenang nakikipag-usap si Nanay Berta sa Agilang si Mulong at nakumpirma nitong si Major Labrador nga ang tamang tao para pagkalooban ng Agimat ng Agila.
Panghihinayang naman ang mga mensahe ng ilan na nalungkot dahil sa pagkasawi ng maybahay ni Major Labrador na si Dr. Myrna Labrador na ginampanan ni Sheryl Cruz dahil sa hindi na nito natanggap ang sorpresang kuwintas na dapat ireregalo sa kanya sa kanilang wedding anniversary.
Takang-taka naman si Alejandro Dominguez na ginampanan ni Roi Vinzon, isang negosyante na kinatatakutan dahil sa pagiging crime lord dahil sa kabila ng mga tama ng baril ni Major Labrador ay hindi na ito matagpuan sa pinangyarihan ng krimen.
Marami rin ang excited dahil sa unti-unti nang nadidiskubre ni Major Labrador ang bisa ng kanyang agimat kabilang na ang pagsinag ng kanyang mga mata na tulad ng isang Agila at napakaganda ng visual effects nito.
Lumakas at lumayo rin ang distansiya nang inaabot ng kanyang pandinig na tulad ng isang agila at dito nga niya naulinigan na ang mismong pagkasawi ng kaniyang mag-ina ay sa kanya pa mismo ibinibintang ng mga pulis.
Sabik na rin ang marami sa ating mga taga-subaybay dahil bago pa nagtapos ang nakaraang episode ay nais nang ipakilala ni Nanay Berta ang agilang si Mulong kay Major Labrador at muli silang magkakadaupang-palad.
Hindi ba’t unang iniligtas ni Major Labrador ang agilang si Mulong nang matagpuan ito na sugatan at pinakawalan lamang ng lubusan nang gumaling at hindi pa alam ni Major Labrador na iniligtas din siya ni Mulong nang pagbabarilin naman siya kasama ang kaniyang mag-ina.
Ito na ang ilan sa mga eksenang pinananabikan ng ating mga tagasubaybay na panay ang reklamo na bitin dahil nais nilang makita ang mga susunod na pangyayari at napakabliis ng phasing.
Isa pa sa pinakamaraming komento ay ang pagtatagpo na namin ng aking leading lady na si Maya Lagman na ginampanan ni Sanya Lopez na hindi akalain ng marami ang bigla kong ginawa kay Maya kung ano ang kahihinatnan.
Sa kabuuan ng mga natatanggap nating komento ay kitang-kita na nagugustuhan talaga ng ating mga tagasubaybay ang Agimat ng Agila at buong puso natin itong ipinagpapasalamat sa inyong lahat
Ganundin ang pagpupugay natin kay Direk Rico Gutierrez dahil sa kaniyang husay sa paggawa ng napakagandang obrang ito at maging ang GMA Network ay buong pagmamalaking inihahandog ang animo’y pelikulang teleseryeng ito.
Siyempre hindi magiging magandang-maganda ng Agimat ng Agila kung wala sina Allen Dizon bilang Capt. Gerry Flores, second-in-command ng Task Force Kalikasan; Michelle Dee bilang Serpenta, isang evil shadow creature.
Kasama rin sina EA Guzman sa papel na Julian at kababata ni Maya; Miggs Cuaderno bilang Bidoy, isang ismarteng bata na napalapit kay Major Labrador; Ian Ignacio bilang Malvar at kasama din sina King Gutierrez, Jhong Cuenca, Mike Lloren, Althea Ablan, Dentrix Ponce, Yuan Francisco, at Seth Dela Cruz.
Ang action-packed fantasy na ito ay pumalo sa 16.3 ang ratings sa unang episode na ang ibig sabihin ay mahigit sa 14 milyong telebisyon sa mga tahanan ang tumutok sa ating palabas ayon mismo sa opisyal na ulat ng Nielsen Phils.TAM NUTAM People Ratings.
At nasundan pa ito ng mas mataas pang ratings na 16.7, isang indikasyon na mas nadagdagan pa ang mga sumusubaybay at sa huling segmet ng Agimat ng Agila ay pumalo pa ang ratings nito sa 18.5.
Kaya sa dami ng kinahaharap na problema ng bansa, sa dami ng mga naglipanang fake news sa social media ay malaking bagay ang Agimat ng Agila upang kahit sandali ay maibsan ang ating stress at pagkainip dulot ng pandemya.
At hindi fake news na maganda talaga ang Agimat ng Agila kaya sa mga hindi makasabay sa ating tinatalakay ay makabubuting tumutok na bukas, Sabado, ganap na alas 7:15 ng gabi sa GMA.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments