ni Anthony E. Servinio @Sports | March 2, 2023
Balik-kalsada ngayong 2023 ang “Takbo Para Sa Kalikasan” matapos ang apat na taon.
Apat na karera ang muling itatanghal ng organizer Green Media Events na ang layunin ay isulong ang pangangalaga ng Inang Kalikasan.
Bubuksan ang serye ng Fire Run sa Mayo 7 sa Cultural Center of the Philippines tampok ang kategoryang 16 kilometro. Susundan ito ng Water Run (Hulyo 16), Air Run (Setyembre 24) at Earth Run (Nobyembre 26) at ang pinakamalayong distansya ay aakyat sa 18, 21 at 25 km ayon sa pagkakasunod.
Maaari ring lumahok sa 10 at 5 kilometro sa lahat ng mga karera. Ang mga magtatapos ay gagawaran ng medalya at kung mabubuo ang serye ay may karagdagang tropeo.
Para sa mga hindi makakapunta sa araw mismo ng patakbo, maaaring lumahok sa virtual race. Gaya ng takbuhan sa kalsada, ang mga virtual runner ay makatatanggap din ng medalya at t-shirt.
Hinihimok ang lahat na tatakbo na magdala ng sariling lalagyan ng inumin upang mabawasan ang kalat. Makikiisa din ang mga kalahok sa pagpulot ng naiwang basura sa kahabaan ng ruta.
Ginaganap na ang pagpalista sa piling sangay ng Chris Sports at online sa Facebook ng Takbo Para Sa Kalikasan. May diskwento ang mga magpapalista sa lahat ng apat na karera.
Sa nakalipas na mga taon, nakalikom ng pondo ang fun run para sa mga proyekto tulad ng pagtatanim ng puno, paglinis ng baybaying-dagat at tumulong sa pag-aalaga ng Philippine Eagle at mga pawikan. Nag-alay din sila ng donasyon sa mga maralitang senior citizen at mga kabataan.
コメント