top of page
Search
  • BULGAR

Kaligtasan ng Pinoy seafarers na naglalayad sa Red Sea, tutukan

ni Ryan Sison @Boses | June 25, 2024



Boses by Ryan Sison


Dahil sa mga nangyayaring pag-atake ng Houthi rebels, dumarami na umano ang bilang ng mga Pinoy seafarer na tumatangging maglayag sa Red Sea at Gulf of Aden.


Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, umabot na sa 78 na marinong Pinoy ang nagpahayag ng pagkabahala na dumaan sa mga lugar kung saan mayroong kaguluhan gaya ng Red Sea.


Nang tanungin ang mga Pinoy seafarer, sinabi ng mga itong gagamitin nila ang kanilang karapatan na hindi maglayag sa mga peligrosong lugar dahil sa pangamba na rin para sa kanilang buhay. Ang naturang bilang ay mahigit sa triple ng dating 25 na marinong Pinoy na nagpahayag ng pagkabahala noong March 2024.


Magsasagawa naman ang kagawaran ng panibagong konsultasyon at mga diyalogo kabilang ang iba’t ibang grupo ng mga Pinoy seafarer para mabatid ang kanilang mga saloobin hinggil sa usapin.


Una nang sinabi ni Cacdac na pinag-aaralan na ng DMW ang posibilidad ng paghihigpit sa mga Pinoy mula sa pagsakay sa mga barkong may ruta o kaya ay napapadaan sa Gulf of Aden at Red Sea, ito ay matapos ang nangyaring pagpapasabog sa MV Tutor na nakasakay ang 22 tripulanteng Pinoy, kung saan itinuturing na gawa ng mga Houthi rebel. Nakauwi naman na sa ating bansa ang 21 seafarer makaraang mailigtas sila ng US Navy kasunod ng kanilang pagkakabihag subalit isa pa ang nawawala.  


Kaugnay nito, ligtas na ang lahat ng 27 Filipino crew member ng bulk carrier na MV Transworld Navigator na iniulat na inatake ng Houthi rebels sa Red Sea nitong weekend, batay sa impormasyon ng DMW. 


Ayon kay Cacdac, hindi siya (vessel) tinamaan na itinuturing na na-immobilize ito.


Nakapaglayag pa ito at nailigtas ang 27 crew on board.


Dapat sigurong tutukang mabuti ng pamahalaan ang kalagayan at kaligtasan ng mga Pinoy seafarer na nais lamang magtrabaho para sa kanilang pamilya.


Hindi kasi biro ang atakehin at maging bihag ng mga ganitong klase ng rebelde na masasabi na nating mga pirata. Wala silang kinokonsiderang awa habang magagawa nilang pahirapan ang kanilang mga nabihag at sa kalaunan ay hindi na makauwi nang buhay. 


Sa kinauukulan, kailangan na matiyak ang maayos na kalagayan ng ating mga kababayang seafarer na naglalayag sa mga lugar na may banta sa kanilang buhay.


Walang ibang aasahan kundi kayo lamang na may obligasyon na proteksyunan at pangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page