by Info @Editorial | Dec. 10, 2024
Patuloy ang paalala ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pilipino na nasa Syria na iwasang makilahok sa anumang pagkilos.Kasunod ito sa ginawang pag-agaw ng mga rebeldeng grupo sa gobyerno ng Syria.
Ayon sa advisory ng DFA, marapat na iwasan ng mga Pinoy na makisawsaw sa nasabing kaguluhan at palagiang makinig sa mga paalala o babala ng gobyerno para maiwasan ang anumang masamang insidente.
Batay sa impormasyon, lumayas na sa Syria si President Bashar al-Assad kasama ang kanyang pamilya at sila’y nagtungo sa Russia matapos na kontrolin ng Islamist Hayat Tahrir al-Sham (HTS) group ang malaking bahagi ng Syria.
Bukod sa Syria, patuloy ang kinakaharap ng ating mga kababayan sa ibang bansa ang mga hamon dulot ng digmaan, kaguluhan, at mga krisis sa mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan.
Sa kabila ng hindi matatawarang kontribusyon ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa ekonomiya ng Pilipinas, ang kanilang kaligtasan at kapakanan ay patuloy na nagiging isang pangunahing alalahanin, hindi lamang ng gobyerno kundi ng buong bansa.
Ang mga Pinoy, partikular ang mga nagtatrabaho sa mga bansang may matinding tensyon ay patuloy na nahaharap sa panganib sa araw-araw.
Bagama’t may mga hakbang na ginagawa ang ating gobyerno upang tiyakin ang kanilang kaligtasan, tulad ng pagpapadala ng mga konsulado at embahada para magbigay ng tulong, ito ay hindi sapat.
Mahalagang pag-isipan ng ating gobyerno ang patuloy na pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa mga lugar na may malalim na sigalot. Bagama’t nauunawaan ang pangangailangan para sa trabaho, hindi maaaring isakripisyo ang kaligtasan ng bawat isa para lamang sa mga pansamantalang benepisyo.
Sa mga pagkakataong may banta ng digmaan, ang pagpaplano ng mga alternatibong oportunidad at mga bansang ligtas para sa ating mga kababayan ay nararapat ikonsidera. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pagkalagay sa panganib ng ating mga kababayan.
Dapat tiyakin ng ating gobyerno na ang kanilang proteksyon ay isang prayoridad, at ang mga hakbang para sa kaligtasan ng mga kababayan natin ay hindi mawawala sa agenda ng pamahalaan.
Comments