ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 5, 2021
Ilang chief na ng Philippine National Police (PNP) ang naitalaga sa ating kasaysayan, ngunit hindi pa rin nababago ang ating kalagayan hinggil sa talaan ng mga bansang delikado para sa mga mamamahayag.
Ito ay kung pag-uusapan ang pagresolba sa mga kaso ng mga pinapaslang na journalists sa bansa ayon sa pahayag ng press freedom organization dahil sa halip na maibsan, tila mas lumalala pa at patuloy pang nadaragdagan ang mga unsolved cases.
Base sa pahayag ng Committee to Protect Journalists (CPJ), ang 2021 Global Impunity Index ay naglabas ng ulat na ang Pilipinas ay nananatiling nasa talaan mula noong nakaraang taon na may 13 unsolved murders mula Septyembre 1, 2020 hanggang Agosto 31, 2021.
Nangunguna naman ang Somalia sa buong mundo na may pinakamalalang sitwasyon hinggil sa mga hindi nariresolbang pagpatay sa mga mamamahayag na sinusundan ng Syria, Iraq, South Sudan at Afghanistan.
Umaabot na sa kabuuang 278 journalists sa buong mundo ang napatay simula lamang nitong Setyembre 1, 2020 hanggang Agosto 31, 2021 at 226 sa mga pinaslang na ito ay hindi pa nakakakuha ng katarungan sa napakahabang panahon.
Ngayon habang patuloy tayong nababaon sa sitswayon at nakahanay pa rin ang ating bansa sa talaan ng mga delikadong bansa ay may isa na namang broadcaster sa Davao City ang pinaslang kamakailan lamang ng mga hindi pa nakikilang gunmen.
Ayon sa Newsline Philippines ang biktima ay nakilalang si Orlando ‘Dondon’ Dinoy na isa sa kanilang mga reporter ay pinasok sa inuupahan niyang apartment bandang alas 6 ng gabi at doon pinagbabaril ng malapitan.
Maayos namang naipahatid sa sambayanan ang buong detalye kung paano pinaslang ang pinakahuling biktima at ang mga pulis na nag-imbestiga ay maganda rin ang mga pahayag at katunayan ay sinasabi na naman nilang mayroon na silang sinusundang ‘lead’.
Wala naman ibang salarin kung pagpatay sa mamamahayag ang pag-uusapan dahil palaging ang nasagasaan nilang grupo o indibidwal ang nasa likod ng mga pagpatay.
Hindi naman natin puwedeng isisi sa pangangalaga ng PNP o ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kaligtasan ng bawat mamamahayag dahil hindi natin kontrolado kung kailan sila makakapanakit na hahantong sa pagpatay ang epekto.
Ngunit maaari nating iasa sa kanila ang katarungang dapat maibigay sa mga pinaslang na mamamahayag na sa tingin natin ay tila malamig ang pagtrato ng batas kung mamamahayag ang biktima.
Ito ay pananaw lamang at hindi talaga ito ang aktuwal na sitwasyon, ngunit hindi malayong ganito na rin ang pakiramdam ng marami nating kababayan, partikular ang mga kapatid nating nasa hanay ng pamamahayag na wala namang ibang inaasahan kung hindi ang maykapangyarihan.
Sa hanay ng mamamahayag ay malinaw sa kanilang sinumpaang tungkulin na handa silang magbuwis ng buhay para lamang sa katotohanan at hindi rin isinasaisantabi na may ilan ding mamamahayag ang sangkot din sa maanomalyang pagbubunyag.
Hindi naman lihim na may ilan ding media personality na kuwestiyunable ang lifestyle dahil sa pagpatol sa mga ilegal na gawain tulad nang paghingi ng malaking halaga kapalit nang pagbubunyag sa mga lihim na operasyon ng ilang masasamang loob.
Kahit nangyayari ang ganitong kalakaran ay hindi naman makatuwirang basta na lamang ililigpit ang mga mamamahayag dahil mas maraming matuwid at malinis na mamamahayag sa bansa ang kailangang-kailangan natin para makuha natin ang tamang impormasyon araw-araw.
Marami tayong kakilala sa media na respetado at kinukondina ang patuloy na karahasan sa kanilang hanay dahil malaking banta talaga sa ating demokrasya kung magpapatuloy ang mga pagpatay sa ating mamamahayag.
Sa pinakahuling insidente ng pagpatay sa Davao City ay agad gumalaw ang PNP para magsagawa ng masusing imbestigasyon para maresolba ang naturang kaso.
Ngunit nais lamang nating ipaalala sa kasalukuyang liderato ng pulisya na narinig at napanood na natin ang ganyang diskarte at pahayag, ngunit ang resulta ay nananatili pa rin tayo sa ika-pitong puwesto sa buong mundo na may pinakadelikadong bansa dahil sa pagpaslang sa mga mamamahayag.
Gayunman, naniniwala tayong kayang-kaya ng PNP na mairesolba ang kasong ito basta’t tututukan lang at huwag itulad sa mga naunang insidente na matapos humupa ang sitwasyon ay madalang pa sa patak ng ulan kung i-follow-up.
Hindi rin tayo naniniwala sa pakiramdam ng marami na kaya malamig ang alagad ng batas sa pagresolba sa ganitong patayan ay dahil sa mamamahayag ang biktima na isa rin sa dapat na mabago.
Sa pamunuan ng PNP, sana ay maresolba ang mga patayan ng mamamahayag sa bansa, kahit itong pinakahuling kaso lang, kahit tsamba payag na kami.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments