top of page
Search
BULGAR

Kaligtasan ng mga batang babaeng nasa panganib, dapat tutukan

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | March 18, 2021



Sa gitna ng mga bagong paghihigpit dahil sa pag-akyat ng mga kaso ng COVID-19, nais nating ipaalala muli ngayon ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng edukasyon at ng mga programang nagbibigay ng proteksiyon sa batang kababaihang nahaharap sa matinding panganib.


Kamakailan ay ibinahagi ng Commission on Population and Development (POPCOM) ang naging resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS), kung saan lumabas na 25 porsiyento ng mga Pilipino ay nababahala sa karahasan at pang-aabuso sa kababaihan. Base sa naturang survey, 11 porsiyento ang nababahala sa pisikal na pang-aabuso, pitong porsiyento naman ang sa karahasang seksuwal, at pitong porsiyento rin sa pang-aabusong emosyunal.


Dahil ang kababaihang mag-aaral ay halos isang taon nang nananatili sa kanilang mga tahanan, hindi natin maiaalis ang posibilidad na dumami ang bilang ng mga nakararanas ng pang-aabuso tulad ng mga napaulat na noong isang taon. Mataas din ang posibilidad na huminto sila ng pag-aaral dahil madalas silang inaasahang magbigay-suporta upang maitawid ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Kahit na ipinatutupad ang distance learning, mahalaga ang pagpapatuloy ng mga safety nets na ibinibigay ng mga paaralan, kabilang ang child protection programs.


May papel ang pagsasara ng mga paaralan sa pag-akyat ng bilang ng mga batang ina. Ayon sa pag-aaral ng Department of Science and Technology - National Research Council of the Philippines (DOST-NRCP), ang pagsasara ng mga paaralan, ang pagkakaroon ng mga dysfunctional families at ang kawalan ng access sa sexual at reproductive health education ay ilan sa mga maituturing na sanhi ng maagang pagbubuntis o teenage pregnancy.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, isinusulong natin ang kahalagahan ng papel ng mga child protection committee ng mga paaralan sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga batang babaeng estudyante. Tungkulin ng mga komiteng ito na tulungan ang mga mag-aaral na nasa panganib, iulat ang mga kaso ng pang-aabuso at makipag-ugnayan sa mga tanggapan tulad ng Philippine National Police-Women and Children’s Protection Desk, Local Social Welfare and Development Office, mga non-government organizations at iba pang ahensiya ng pamahalaan.


Sa patuloy na pagdiriwang ng National Women’s Month, mahalaga na mabigyan natin ng prayoridad ang pagpapaigting ng pagbibigay-proteksiyon sa batang kababaihan laban sa anumang uri ng pang-aabuso at karahasan. At ang isa sa mga pinakamahalagang hakbang na dapat nating tiyakin at gawin ay hindi sila mahinto sa pag-aaral sa kabila ng mga hamong kinahaharap natin, lalo na’t ang mga paaralan ay may mga programa para sa kanilang proteksiyon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page