ni Ryan Sison @Boses | Feb. 20, 2025

Nakakaalarma ang napaulat na muntik na pagdukot sa dalawang mag-aaral na galing sa isang iskul sa Caloocan City.
Kaya naman ipinag-utos ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang paghihigpit sa seguridad sa mga paaralan sa lungsod dahil sa kidnapping incident sa naturang lungsod.
Inatasan ng mayor ang binuo niyang team at kapulisan na paigtingin ang pagbabantay sa mga eskwelahan lalo na tuwing oras ng pagpasok at paglabas ng mga estudyante, habang nangakong bibigyan ng agarang aksyon ang insidente.
Ayon sa report, isang lalaki ang nagtangkang mang-kidnap ng dalawang batang mag-aaral. Gayunman, nakita ng isang barangay tanod ang suspek na may hinahatak itong bata sa labas ng paaralan. Katwiran ng suspek sa tanod ay anak niya ito at sinusundo lamang niya. Pero nagpupumiglas pa rin ang bata at nang tanungin ng tanod ay sinabi ng bata na hindi niya ito tatay at huwag ibigay sa lalaki habang humakap ang bata sa tanod.
Dahil dito, kinuyog ng mga residente ang lalaking suspek na sa ngayon ay isinailalim na sa booking procedure sa Caloocan City Police’s Women and Children’s Desk at sasampahan ng reklamong attempted kidnapping.
Hindi na talaga natin masiguro kung ligtas pa bang maituturing ang ating komunidad sa ngayon dahil sa ganitong klase ng report na tangkang pagdukot sa mga bata.
Madalas ay naiisip natin na safe na makakauwi ng bahay ang ating mga anak mula sa iskul dahil nga naman maaga pa at maraming tao sa paligid, kaya rin marahil tiwala rin tayong walang gagawa ng masama sa kanila. Pero, mali pala tayo tungkol dito dahil hindi natin masasabi kung kailan mangyayari ang isang aksidente at anumang oras ay posibleng may ganitong insidente.
Kaya bilang magulang, tayo na mismo ang gumawa ng paraan para protektahan at pangalagaan ang ating mga anak. Dapat sigurong tayo na ang maghatid at sundo sa ating mga anak sa tuwing papasok sila o uuwi mula sa eskwelahan. Huwag nating ipagkatiwala sila basta kanino lamang o kahit pa sabihing may service ng tricycle o jeepney. Kumbaga, hindi tayo dapat magpakampante lalo’t kaligtasan ng ating mga anak ang pinag-uusapan. Konting sakripisyo pa ang kailangan nating gawin para sa kanila nang sa gayon ay maiiwas natin sila sa disgrasya.
Hiling lamang natin sa kapulisan na sana ay pagbutihin naman ang pagbabantay sa ating kapaligiran, hindi lang doon sa mga may checkpoint dahil alam na alam na ‘yan ng mga kawatan.
Dapat ay visible ang mga pulis sa mga paaralan, palengke, terminal at iba pa, para kahit paano ay maiwasan natin ang posibleng kaguluhan o krimen. Huwag sana nating hintayin na may mangyaring hindi maganda sa mga kababayan bago pa tayo reresponde o kikilos sa insidente, higit sa lahat sana ay gawin nang maayos ang trabaho upang walang maging problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments