top of page
Search
BULGAR

Kaligtasan at kapakanan ng mga Pinoy, iprayoridad natin

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | October 18, 2023

Sa ating patuloy na adhikain na mapangalagaan at maproteksyunan ang ating mga kababayan tulad ng mga overseas Filipino workers, noong nakaraang linggo ay nagkaroon tayo ng pagkakataon na bisitahin at alamin ang kalagayan ng mga Pilipino sa Hong Kong.

Bilang Vice Chair ng Senate Committee on Migrant Workers, naimbitahan tayo noong October 15 sa ginanap na Indigenous Peoples Festival sa Chater Road bilang bahagi ng pagdiriwang ng Indigenous Peoples Month. Nakatutuwa na kahit nasa ibang bansa ay naipapakita ang ating kultura at mga tradisyon.

Para sa akin, ang lahat ng OFWs ay maituturing na mga makabagong bayani. Nabanggit ko sa kanila na nalulungkot ako kapag may naaapi na Pilipino. Ipinaalam ko sa kanila na sa aking kapasidad bilang inyong senador, na lagi kong hinihikayat ang gobyerno na tulungan ang mga OFWs — nasaang panig man ng mundo — kung may pangangailangan sila, at dapat laging bukas ang ating tanggapan para sa kanilang lahat.


Ito ay bilang pagkilala rin sa kanilang sakripisyo para mapaganda ang buhay ng kanilang pamilya at makatulong sa pag-unlad ng Pilipinas.

Sa Hong Kong ay nagkaroon tayo ng pagkakataon na makausap ang iba’t ibang grupo mula sa Filipino community roon at nakinig sa kanilang mga karaingan. Sa parte ko bilang senador at lingkod bayan, ipinarating ko naman sa kanila ang mga kaganapan sa ating bansa. Ipinaalam ko rin sa kanila ang ating mga prayoridad bilang mambabatas kung saan kabilang sila sa ating laging ipinaglalaban sa Senado.

Isa tayo sa may-akda at co-sponsor ng naging Republic Act No. 11641 na lumikha sa Department of Migrant Workers. Isa ito sa ating mga pangarap na natupad para matulungan ang ating mga OFWs.


Sa pagkakalikha sa DMW, nagkaroon ng departamento ang ating pamahalaan na nakatutok kapag may problema ang mga migrant workers at ang kanilang mga kapamilya, at hindi na sila dapat pinagpapasa-pasahan pa ng iba’t ibang ahensya.

Bilang Chair ng Senate Committee on Health, isinumite natin ang Senate Bill No. 229, na kung maisabatas, ay ma-institutionalize ang OFW Hospital and Diagnostic Center sa San Fernando City, Pampanga. Titiyakin nito ang serbisyong pangkalusugan para sa OFWs at kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagpapalakas sa nabanggit na ospital. Maglalaan ng sapat na pondo para sa operasyon nito, mga kinakailangang tauhan at mga kagamitan. Mayroon na ring Malasakit Center sa ospital na ito para matulungan ang ating mga kababayan sa bayaring pampagamot.

Isinumite rin natin ang SBN 2414, o ang “OFW Ward Act.” Kapag pumasa at naging ganap na batas, ang bawat ospital na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health sa buong bansa ay magkakaroon ng dedicated ward para sa pagpapaospital ng OFWs at ng kanilang pamilya.

Masaya ko ring ibinabalita na kamakailan lang ay inaprubahan na sa Senado sa huli at ikatlong pagbasa ang panukalang batas para ma-institutionalize ang Magna Carta of Filipino Seafarers.


Isa tayo sa may-akda at co-sponsor ng panukala. Ang unanimous na pagpasa nito sa Senado para sa akin ay isang tagumpay ng ating mga marino. Isang ehemplo rin ito ng ating pagkilala sa kabayanihan at pangangalaga sa kapakanan ng ating mga manlalayag.

Mahal na mahal ko ang ating mga OFWs. Hindi tayo titigil sa pagsusulong ng mga programa na makakatulong sa ating modern-day heroes. Sabi ko nga sa kanila, mahirap mapalayo sa pamilya, ngunit naroon sila sa ibang bansa para magtrabaho at may maisuporta sa kanilang mga pamilya.


Sila at ang kanilang nagiging sakripisyo ay dapat lang na bigyan ng sapat na importansya.

Samantala, patuloy naman ang ating pagtulong sa ating mga kababayan na nahaharap sa iba’t ibang krisis. Inalalayan ng aking opisina ang limang pamilyang nasunugan sa Alabang, Muntinlupa City katuwang si Bgy. Captain Tintin Abas.

Namahagi rin tayo ng hiwalay na tulong sa 290 residente sa Zamboanga City na mga naging biktima rin ng sunog, bukod sa natanggap nila mula sa NHA sa pamamagitan ng programa na ating isinulong noon para may pambili ng mga materyales tulad ng pako, yero at iba pa sa pagsasaayos ng kanilang bahay ang mga naging biktima ng sakuna.

Mayroon ding 43 nasunugan noon sa Davao City ang ating natulungan bukod sa pagbibigay ng livelihood kits sa pamamagitan ng DTI.

Inayudahan din natin ang 1,900 mahihirap na residente ng Caloocan City katuwang ang tanggapan ni Congresswoman Mitch Cajayon-Uy; 450 market vendors sa Nagcarlan, Laguna katuwang si Mayor Elmor Vita at Konsehal Rey Comendador; at 1,000 mahihirap sa Cebu City katuwang si Cong. Edu Rama.

Nabigyan naman natin ng dagdag na suporta ang 548 indibidwal na nawalan ng trabaho sa Carmen at Batuan sa Bohol katuwang si Board Member Nathaniel Binlod. Ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay nabigyan din ng temporary employment ng DOLE.

Namahagi rin tayo ng tulong sa 1,000 miyembro ng United Senior Citizens Association of Quezon City katuwang sina Congresswoman Mila Magsaysay at Senador Robin Padilla.

Masaya ko namang ibinabalita na noong October 14 ay nagkaroon na ng groundbreaking ang itatayong Super Health Center sa Bgy. Maliksi II, Bacoor City.

Kung masaya man tayo na nakasalamuha ang ating mga kababayan sa Hong Kong, labis naman ang ating pagkabahala para sa kaligtasan at kapakanan ng ating OFWs na naiipit sa gulo sa Israel. Patuloy ang ating panawagan sa DMW, Department of Foreign Affairs, Philippine Overseas Employment Administration at iba pang ahensya na tulungan sila at siguraduhin ang kanilang kaligtasan.

Lagi nating sinasabi, mahalaga ang buhay ng bawat Pilipino, narito man sa ating bansa o nasa ibang bahagi ng mundo. Sama-sama nating ipagdasal ang kanilang kaligtasan, magmalasakit tayo sa kanilang pinagdadaanan, at palagi nating unahin ang kapakanan ng ating pinakanangangailangang mga kababayan.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page