@Editorial | September 08, 2021
Limited, voluntary at targeted face-to-face classes ang isinusulong ng mga guro sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19.
Nakababahala na umano ang pagiging epektibo ng ipinatutupad na blended learning sa kalidad ng edukasyon ng mga mag-aaral sa bansa.
Dapat na umanong payagan ng gobyerno ang ligtas na pagbabalik sa mga eskuwelahan sa pamamagitan ng limited face-to-face classes tulad ng pinaikling oras ng klase at bilang ng mga estudyante sa loob ng silid-aralan.
Napag-alaman na halos lahat ng bansa ay balik na sa face-to-face classes.
Una nang inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) na planong isagawa ang pilot testing ng limited face-to-face classes sa 100 public schools at 20 private schools sa oras na aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, na ayon sa kanyang tagapagsalita ay posible nang mangyari.
Nakita at naranasan naman ng mga guro, estudyante at mga magulang ang malaking pagbabago sa edukasyon dala ng COVID-19 pandemic. Lahat ay nanibago at nahirapan at hindi maitatanggi na kailangan pang ayusin ang sistema.
Batid natin ang kagustuhang maitawid ang bawat school year upang hindi masayang ang panahon at pagkakataon na matuto ang mga bata. Ginagawan ng paraan upang hindi maging hadlang ang pandemya at kahirapan sa paghahatid ng edukasyon.
Saludo tayo sa bawat guro, mag-aaral, magulang at guardian na hindi tumigil at todo-kayod sa pagtuturo, pag-aaral at paggabay.
Sakaling maaprubahan ang pagbabalik ng face-to-face classes na limitado, umaasa tayong hindi malalagay sa alangin ang sitwasyon.
Pareho nating inaasam ang kalidad na edukasyon at siyempre ang kaligtasan ng bawat isa.
Comments