by Info @Editorial | Jan. 10, 2025
Ang matinding pagsisikip sa EDSA ay hindi na bagong isyu, kundi isang paulit-ulit na suliranin.
Ayon sa mga eksperto, ang problema ay dulot ng patuloy na paglaki ng populasyon at ng bilang ng mga sasakyan. May mga nagsasabing dahil din ito sa mga sira-sirang kalsada.
Kaugnay nito, inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ngayong taon ay nakatakda na ang massive rehabilitation sa EDSA na maituturing na isa sa pinaka-busy na kalye sa kalakhang Maynila.
Layon umano ng rehabilitasyon na tugunan ang matagal ng isyu sa nasabing highway at magkaroon ng kaginhawaan ang pangkalahatang paglalakbay ng milyong Pinoy.
Inaasahan naman na ngayong taon din makukumpleto ang rehab sa EDSA.
Hindi rin natin maikakaila ang iba pang sanhi ng trapik sa EDSA tulad ng mga hindi sumusunod sa batas, mga nagbabara sa mga kalsada at mga walang disiplina sa pagpaparada.
Ang kakulangan ng edukasyon at respeto sa mga batas ay patuloy na nagiging hadlang sa pagsasakatuparan ng isang organisadong daloy ng trapiko.
Ang EDSA ay hindi lamang isang daanan — ito ay bahagi ng ating buhay. Kailangan natin ng mas epektibong solusyon sa problema ng trapiko upang magtagumpay sa pagbabago ng ating lungsod at bansa.
Hindi dapat ito ituring na isang pansamantalang isyu lamang, kundi isang sistema ng pagbabago na tumutugon sa pangangailangan ng nakararami.
Kung ang bawat isa ay magtutulungan, mula sa gobyerno, pribadong sektor, at mamamayan, ang EDSA ay may pag-asang makabalik sa kanyang orihinal na layunin — isang kalsadang magaan at mabilis ang daloy para sa nakararami.
Comments