@Editorial | June 12, 2021
Ipinagdiriwang natin ngayon ang ika-123 anibersaryo ng proklamasyon ng Araw ng Kalayaan.
Samantala, tila paglaya rin ang natanggap ng ating mga lolo’t lola matapos payagang makalabas na ng bahay sa gitna ng pandemya.
Ayon sa Inter-Agency Task Force, ang mga fully-vaccinated senior citizens na nasa lugar ng general community quarantine at modified GCQ ay puwede nang lumabas.
Kailangan lamang nilang magpresenta ng duly issued na COVID-19 vaccination card, at siyempre, dapat pa rin silang sumunod sa minimum public health standards habang nasa labas.
Gayunman, limitado pa rin ang paggalaw ng mga seniors sa kanilang zone lamang at ipinagbabawal pa rin ang interzonal travel, maliban na lamang sa point-to-point travel na una nang pinayagan ng IATF.
Marami ang natuwa dahil makakawala na sa apat na sulok ng kanilang bahay at may makikita nang ibang tao at mga bagay.
Ang paalala lang, huwag maging kampante, palaging mag-ingat hindi lamang sa banta ng COVID-19, kundi ng iba pang sakit. Sa atin namang nakababata, palaging alalayan ang mga nakatatanda na hindi sila malagay sa alanganin sakaling nasa labas. Tulungan natin silang maging kumportable at ligtas sa mga lugar na kanilang pinupuntahan.
Ngayong Araw ng Kalayaan, wala naman tayong ibang hangad kundi ang tuluyan nang makalaya sa pandemya at makabawi sa idinulot na kahirapan.
Maniwala tayong malalagpasan din natin ang sitwasyong ito at sabay-sabay tayong lalaya.
Comments