ni Lolet Abania | August 29, 2021
Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ngayong Linggo ng 516 karagdagang kaso ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 na umakyat na sa kabuuang bilang na 1,789 cases.
Sa isang statement, ang DOH, University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC), at ang University of the Philippines-National Institutes of Health (UP-NIH) ay nagsabing ang bagong Delta variant cases ay mula sa 748 sequenced samples na nanggaling sa 67 laboratoryo.
Sa karagdagang Delta variant cases, 473 dito ay local, 31 naman ay mga returning overseas Filipinos (ROF), habang inaalam pa ang 12 kung ang mga ito ay local o ROF cases.
Ang mga lugar at bilang ng kaso mula sa 473 local Delta variant cases ay 114 - Metro Manila; 24 - Ilocos Region; 32 - Cagayan Valley; 64 - Central Luzon; 79 - Calabarzon; 20 - Mimaropa; 16 - Bicol region; 13 - Western Visayas; 23 - Central Visayas; 12 - Zamboanga Peninsula; 48 - Northern Mindanao; 22 - Davao Region; at 6 - Cordillera Administrative Region.
Samantala, ayon sa DOH, 6 sa kabuuang 1,789 Delta variant ang active cases, 5 na ang namatay habang 505 ang naklasipika na nakarekober na sa sakit at ang iba pa ay unang naiulat na gumaling na.
Matatandaang nai-report ng mga international health experts na ang Delta variant ay nagdudulot ng double risk of hospitalization habang nananatili ang variant na nasa 50% na mas nakahahawa kaysa sa Alpha variant, kung saan unang na-detect naman sa United Kingdom nitong unang bahagi ng taon.
Ang Delta variant ay idineklara rin bilang “variant of concern” ng World Health Organization (WHO) na ayon sa ahensiya, “It could have an increase in transmissibility or increase in virulence or decrease in effectiveness of public health.”
Kommentare