ni Janiz Navida @Showbiz Special | Nov. 14, 2024
Photo: Nakausap namin ang mga pambatong radio hosts ng Radyo 630 TeleRadyo Serbisyo na sina T’yang Amy at si Winnie Cordero na napapakinggan sa DWPM mula sa dating DZMM sa thanksgiving mediacon. (Bulgar Photo)
Pinabulaanan ni T’yang Amy Perez ang ayaw tumigil na tsismis na hanggang December na lang ang noontime show nilang It’s Showtime na umeere sa GMA-7.
Nakausap namin ang isa sa mga pambatong radio hosts ng Radyo 630 TeleRadyo Serbisyo na napapakinggan sa DWPM mula sa dating DZMM sa thanksgiving mediacon na ginanap last Tuesday sa Seda Vertis North sa QC kung saan kasama rin ni T’yang Amy si Winnie Cordero.
Aniya, wala naman daw sinasabi sa kanila ang mga bosses nila sa It’s Showtime kaya ang mga ito na lang ang tanungin.
“Wala kaming alam d’yan. Pero kami ay mga sundalo lang na susunod kung saan kami dadalhin ng panahon.”
Hayaan na lang daw ang mga taong nagkakalat ng tsismis kung ayaw ng mga ito ng positibong bagay.
Secured naman daw siyang hindi totoo ang mga kumakalat at nagpapasalamat siya sa kanyang mister na si Carlo Castillo na pinapayagan pa rin siyang magtrabaho.
Samantala, dahil public service ang show ni T’yang Amy na Ako ‘To Si T’yang Amy sa DWPM TeleRadyo Serbisyo, naitanong namin kung may posibilidad bang pumasok din siya sa pulitika?
Ang bilis ng sagot ng TV-radio host, ha?
“Nooo! Puwede ka namang tumulong. Wala, wala akong plano. Wala, wala talaga.
“Panahon pa lang ng MTB, tinatanong na ako d’yan if gusto kong tumakbo. Marami na, since MTB days, konsehal, ganito, ganyan, it’s a no for me.”
Bakit ayaw niyang pumasok sa pulitika?
Ang bilis uli ng sagot niya, “Matahimik ang buhay natin, masaya. Ayaw natin ng kumplikasyon. Puwede naman tayong tumulong kahit wala sa pulitika.”
Sabagay, tama naman siya ru’n. At least, sa kanyang radio show na Ako ‘To Si T’yang Amy, nakakapagbigay siya ng tulong sa pamamagitan ng kanyang mga payo na at the same time ay natututo rin daw siya.
At dahil isa lang naman ang kanyang show sa Radyo 630 TeleRadyo Serbisyo na about mental health at napapakinggan at napapanood tuwing Mondays, Tuesdays, and Thursdays at 3 PM, nagagawa pa rin niyang mag-host sa It’s Showtime at gampanan ang kanyang role sa bahay bilang ulirang asawa at ina.
Sa huling media conference ng Ultimate Heartthrob at batikang aktor na si Piolo Pascual para sa kapana-panabik na pagtatapos ng kanyang socio-political action-drama teleserye na Pamilya Sagrado sa ABS-CBN ngayong linggo, hindi maiwasang mapunta ang usapan sa pulitika. Kasama na rito ang kanyang pagganap bilang isang public servant sa top-rated primetime series, kung saan umabot pa ang kanyang karakter na Rafael Sagrado sa pagiging presidente sa masalimuot na kuwento. Pati na rin ang mga naglalakihang billboard ni Piolo sa kahabaan ng EDSA at iba pang pangunahing lansangan, na may mga mensahe para sa ikabubuti ng mga Pilipino kaakibat ang isang partylist ay napag-usapan din.
Masayang sabi ni Piolo tungkol sa mga billboards niya, “I’m in partnership with a party-list that I also supported last elections. Mayroon kaming mga proyekto na ginagawa magkasama—they help my foundation, and we visit different places to do outreach.”
Ang tinutukoy ni Piolo ay ang kanyang personal na charity organization, ang Hebreo Foundation, na matagal nang sumusuporta sa mga iskolar at may mga programang pang-mahirap na isinasagawa sa buong bansa. Ang partylist namang kanyang sinusuportahan ay ang Ang Probinsyano Party List (APPL), na anim na taon nang isinusulong ang mga karapatan at kapakanan ng mga Pilipino sa mga malalayong lalawigan na kadalasang hindi naaabot ng mga serbisyo, oportunidad, at ayuda mula sa gobyerno.
Dagdag pa ni Piolo, naniniwala siyang tama ang kanyang desisyon na iendorso ang isang kandidato o grupo tulad ng APPL na tunay na nagtatrabaho nang tapat para sa kapakanan ng mga Pilipino.
“So yeah, at the end of the day, you give hope in your own way, but you also give a chance to people who are running and really want to serve by helping them out.”
Saksi si Piolo sa kamakailang malakihang outreach ng APPL para sa mga nasalanta ng
Bagyong Kristine. Pinangunahan mismo ng batambatang first nominee ng partylist na si Cong. Alfred “Apid” delos Santos ang pamamahagi ng tulong sa humigit-kumulang 2,800 pamilya at 3,000 indibidwal na apektado sa buong Albay, kabilang na ang Legazpi City at Camaligan, Camarines Sur.
Sa panghuling pananalita ni Piolo ukol sa mga political endorsement, aniya, epektibong serbisyo ang hanap niya sa mga nais humingi ng kanyang suporta, tulad ng APPL.
Dagdag pa ng aktor, lagi siyang handa na makipagtulungan sa mga taong may malasakit sa mga Pilipino dahil ang pag-unlad ng mga buhay ng taumbayan ang siya ring nais niyang makamtan.
“I endorse those who I believe in and I believe will really help many Filipinos in need.”
Samantala, ang pagwawakas ng Pamilya Sagrado ay mapapanood ngayong Biyernes, Nobyembre 15, sa ABS-CBN.
Comments