ni Fely Ng @Bulgarific | June 3, 2023
Hello, Bulgarians! Sinuportahan ng Kapatid Angat Lahat sa Agri Program (KALAP) ang Convergence Initiatives to Increase Rice Productivity sa pamamagitan ng Masagana Rice Industry Development Program (MRIDP) nang ilunsad ito noong Mayo 31, 2023 sa tanggapan ng National Irrigation Administration (NIA) sa Quezon City.
Sa ilalim ng Memorandum of Understanding, layunin ng MRIDP na tiyakin ang isang masigla, matatag at maunlad na industriya ng bigas, upang makamit ang hindi bababa sa 95 percent rice self-sufficiency sa taong 2027.
Binuo ng Go Negosyo ang KALAP upang palaguin ang agrikultura sa bansa sa pamamagitan ng pagsama ng mga MSME sa value chain ng malalaking kumpanya sa agrikultura, upang maging produktibo, kumikita, at competitive mga maliliit na magsasaka at mangingisda ng bansa.
Sinabi ng tagapagtatag ng Go Negosyo na si Joey Concepcion na ang mga lokal na pamahalaan ay mahalagang katuwang sa KALAP dahil sila rin ang nagsisilbing “big brother” ng mga maliliit na magsasaka at nakikipagtulungan sa pribadong sektor upang iangat ang sektor.
Nasa larawan ang mga miyembro ng KALAP big-brother companies kasama sina Winston Uy ng Universal Leaf, Joey Concepcion ng Go Negosyo, Undersecretary Leo Sebastian ng Department of Agriculture, Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., NIA Administrator Eddie Guillen, James Amparo ng Yovel East, at si Carl Benedick Chung ng Bounty Fresh.
Comments