@Editorial | May 13, 2021
Sa kabila ng patuloy na pagkalat ng COVID-19, kapansin-pansing nagkalat din ang mga pasaway.
Mula sa hindi pagsusuot o maling paggamit ng facemask at face shield, hanggang sa paglabag sa physical distancing, talagang marami na ang walang pakialam.
Batay sa report, pumalo na sa 566,177 ang nahuli ng Philippine National Police (PNP), na lumabag sa mga umiiral na minimum public health standards mula Marso hanggang Mayo 7 ng taong ito.
Kabilang sa mga nahuli ang 219,778 dahil sa hindi pagsusuot ng face shield; 226,904 sa hindi pagsusuot ng facemask; 3,496 naman ang nahuling nagsasagawa ng mass gathering; habang 115,999 naman ang mga nahuli sa paglabag sa physical distancing. Mahiya naman kayo!
Kaugnay nito, tiniyak naman ng mga awtoridad na walang makukulong sa mga mahuhuli at pauuwin din agad matapos imbestigahan at sampahan ng kaso kung kinakailangan. Bagay na maaaring dahilan kaya dumarami ang pasaway — ‘di na sila natatakot.
Hindi kaya ang pagdating ng mga bakuna ay isa sa mga dahilan ng pagiging kampante ng iba? Tulad ng palaging sinasabi ng mga awtoridad, wala pang sapat na supply ng bakuna at tuluy-tuloy pa ang pag-aaral para sa mas mabilis at epektibong paglaban sa COVID-19. Hangga’t hindi nakokontrol ang sitwasyon, manatiling disiplinado at responsable, hindi lang para sa sarili kundi para sa pamilya.
Comments