top of page
Search
BULGAR

Kakulangan sa tubig, maiwasan.. Cloud seeding, isasagawa na — NWRB

ni Lolet Abania | March 4, 2022



Plano ng pamahalaan na magsagawa ng cloud seeding operations upang maiwasan ang posibleng kakulangan sa tubig sa panahon ng tag-init, ayon sa National Water Resources Board (NWRB).


“Ngayong buwan Marso at Abril ay nag-ready na rin po ang (Metropolitan Waterworks and Sewerage System) at mga konsesyonaryo doon po sa tinatawag nating cloud seeding operations,” pahayag ni NWRB executive director Dr. Sevillo David Jr. sa isang interview.


“At ‘yan po ay gagawin ngayong Marso’t Abril at nakikipag-ugnayan po ang MWSS sa PAGASA, ‘yun pong sapat na panahon para po makapag-conduct po,” anang opisyal.


Ayon kay David, ang water level ng Angat Dam, isa sa pinakamalalaking pinagmumulan ng tubig sa Metro Manila ay nasa 195.9m sa ngayon. Bagama’t sapat ang suplay ng tubig, nanawagan naman si David sa publiko na kailangang magtipid ng tubig upang makatulong sa gobyerno na para maiwasan ang posibleng pagkakaroon ng krisis sa tubig sa dry months.


“Ngayon po ay sa tingin po natin may sapat namang suplay ng tubig na nanggagaling sa Angat Dam, particular po itong mga panahon ng tag-init… Kaya lang po ay nakikiusap din tayo sa mga kababayan natin na magtipid pa rin po kasi hindi ho ganoon kaganda ‘yung lebel ‘no, medyo mababa po ‘yan sa mga inaasahan po natin,” giit ni David.


“At mas maganda po ay pagtulungan po natin ang tamang paggamit ng tubig para naman po mapanatili natin ‘yung medyo maganda-gandang level po ng Angat Dam,” sabi nito. Aniya, bukod sa cloud seeding ay may iba pang measures na kanilang ginagawa para matiyak na magiging sapat ang suplay ng tubig sa Metro Manila.


“Kagaya po dito sa Metro Manila, ay nakahanda po ‘yung mga deep wells at mga treatment plants, para po makatulong ‘no sa pagbibigay ng… para may mapagkunan tayo ng karagdagang tubig po kung sakali po, kung patuloy mang bumaba ang Angat Dam at magkaroon ng adjustment sa alokasyon, ay meron pa hong pwedeng mapagkunan para makadagdag doon sa pangangailangan po natin ng tubig bukod po sa Angat Dam,” paliwanag ni David.


“Sa parte po ng mga irigasyon ay ‘yung mga magsasaka po natin at NIA (National Irrigation Administration) po ay tumutulong din po ‘no dito sa kasalukuyang sitwasyon at mina-manage po nila ‘yung mga nare-release po na tubig na galing sa Angat Dam,” saad ng opisyal.


“At hindi ho nila sinasayang ‘yan at mga nagkakaroon nga po ng tinatawag na mga shallow tube wells para naman po mas ma-optimize ‘no, ‘yung tubig na nare-release po’t nagagamit na irigasyon at mga kanal po,” banggit pa ni David.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page