ni Jasmin Joy Evangelista | September 13, 2021
Sa muling pagbubukas ng klase, problema pa rin daw ng mga guro ang kakulangan ng modules at ng data allowance.
Ayon kay Benjo Basas, chairperson ng Teachers' Dignity Coalition, may mga gurong kailangan pang mag-print ng modules para sa klase.
"Parang halos walang pinagbago kasi nung October 2020, nakita naman natin ang problema sa modules na up to now problema pa rin," ani Basas sa isang panayam.
"Marami sa'ming nagre-report na wala pa rin silang modules to think na pasukan na ngayong araw. ‘Yung mga teacher pa rin natin ang gumagawa. Tuloy-tuloy ang printing sa respective houses ng ating mga guro”, dagdag niya.
Sabi pa ni Basas, kailangan daw mag-provide ng gobyerno ng data allowance at laptops para sa mga guro.
Matatandaang nagpamigay ang DepEd ng data allowance sa pamamagitan ng sim cards noong nakaraang taon, pero karamihan daw sa mga guro ay nag-avail na ng sariling prepaid at postpaid plans.
Nagpamahagi rin ng 40,000 laptops ang DepEd ngunit malayo pa ito sa bilang ng mga teaching personnel sa bansa na halos 1 milyon, aniya.
"Yung laptop dapat hindi ito binibili mula sa sariling bulsa ng mga guro at lalong dapat ‘di ito pinapautang kasi the GSIS suffered din for laptop loans," sabi ni Basas.
Kabilang ang Pilipinas sa mga bansa na nananatiling distance learning ang paraan ng edukasyon dahil sa pandemya.
댓글