ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 18, 2021
Matapos ang pagtala ng unang kaso ng mas nakahahawang variant ng COVID-19 sa bansa, nakitaan agad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng malaking hamon ang pagpapatupad ng mahigpit na contact tracing.
Ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya, nasa P1.9 milyon lang ang pondo ngayon ng mga contact tracer, kaya aabot lamang sa 15,000 contact tracers ang kayang i-hire ulit ng ahensiya sa loob ng anim na buwan.
Giit ng opisyal, bagama’t nais nilang maituloy ang serbisyo ng 50,000 contact tracers na natanggap noong 2020, kailangan umanong bawasan ang mga ito dahil sa limitadong budget ng ahensiya.
Gayunman, makatatanggap ng pinakamaraming contact tracers mula sa DILG ang Metro Manila, Central Luzon at Central Visayas dahil sa bilang ng mga active cases dito.
Matatandaang, unang iniutos ng pandemic task force ang pagpapalawak ng contact racing para maisama pati ang ikatlong generation contacts ng mga positibo sa UK variant.
Nakasaad sa resolusyon na dapat i-quarantine sa pasilidad ang lahat na matutukoy na close contact.
Bagama’t nauunawaan nating napakarami pang problema na dapat tugunan sa bansa, alam naman natin kung gaano kahalaga ang contact tracing.
Kaya panawagan sa mga kinauukulan, galaw-galaw ho para matugunan ang budget para rito. Hindi kasi puwedeng todo-himok tayo sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang contact tracing, pero wala naman tayong pambayad para sa mga gagawa ng trabaho.
Isa pa, hindi basta-basta ang hakbang na ito dahil tila isinusugal din ng contact tracer ang kanilang kaligtasan.
Kaya plis lang, kung gusto natin ng mabilis at epektibong contact tracing, pag-aralan kung paano at saan makakukuha ng pera para rito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments