ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | November 17, 2021
Shortage ng hiringgilya ang isa sa samu’t saring aberya kaya mabagal ang pagbabakuna sa mga probinsiya.
Hindi ito maitatanggi dahil bilang dating gobernador sa Ilocos Norte, marami pa rin tayong nakakausap na mga kabaro sa LGUs na nakakaabala sa kanilang “mass vaccination” ang kakapusan ng hiringgilya, bukod pa sa mabagal na paghahatid at problema sa kawalan ng iimbakan.
Eh, mangyari naman kasi, itinatago pa noong una ang “syringe shortage”. May limang buwan na ang nakakaraan nang tawagin natin ang atensiyon ng Department of Health (DOH) na maging transparent sila sa ating lahat na may ganyang kakapusan ng hiringgilya.
‘Yun, last week ay nagbabala ang World Health Organization at ang United Nations Children’s Fund na posibleng kapusin ang buong mundo ng nasa isa hanggang dalawang bilyong suplay ng hiringgilya sa 2022. Dagdag pa nito, nagmamarukulyo ang ating Pangulo dahil sa mala-pagong na vaccination system sa mga probinsiya.
Hay naku, bakit naman kasi ang DOH, itinatago pa ‘yan at kailan lang inamin na may shortage pala? Eh, ‘di sana ay mabilis nating nagawan at napag-isipan ng mga paraan.
And take note, DOH, dapat paghandaan ang babala ng WHO at UNICEF sa posibleng global shortage ng mga hiringgilya sa 2022, ha?
‘Wag natin hintaying matulad ‘yan sa “shortage” ng mga bakuna sa buong mundo last year at dahil mabagal tayong kumilos noon, kaya naghintay pa tayo ng matagal bago nasuplayan. Plis naman, ‘wag na sanang maulit ‘yan, DOH!
IMEEsolusyon sa napipintong global shortage, sa susunod na taon, bilang chairman ng Senate committee on economic affairs, gawin nating specific ang pondo para sa mga syringe sa ilalim ng DOH 2022 budget, para sure ball, ‘ika nga.
Ikalawa, konsultahin din natin ang gobyerno ng Finland at Denmark, na natukoy na may ginagamit na paraan o teknik sa paghigop ng mas maraming doses mula sa mga vial o lalagyan ng bakuna.
Suhestiyon natin para rin “aware” ang lahat, lalo na ang mga LGUs, agarang gumawa ang DOH ng “syringe supply dashboard”, tulad ng ginagawa sa mga bakuna, para maipakita ang mga pangalan ng mga supplier ng hiringgilya, ang dami ng mga binili at naka-iskedyul na paghahatid nito.
‘Wag tayong pa-relaks-relaks lang sa napipintong kakulangan sa hiringgilya. Reminder, ang pagkukumahog ng buong mundo para sa bakuna noong nakaraang taon ay maaari ring mangyari sa supply ng hiringgilya sa 2022, kung saan ang mahihirap na bansa na naman ang madadale at mauubusan. ‘Di bah!
Comments