top of page
Search
BULGAR

Kakulangan ng ebidensya… Natatanging eyewitness, ‘di kinatigan ng korte

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 8, 2023

Ang paksa sa kolum ngayong araw na ito ay ang malagim na sinapit ni Joel. Si Joel ay bahagi ng batayang kaso ng People of the Philippines vs. Richard Pongan/Jeffrey Pongan, a.k.a. “Ka Jeffrey” (CA G.R. CR-HC No. 10408, October 13, 2020, na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Walter S. Ong [5th Division]), na hawak ng aming tanggapan.


Sa salaysay ng natatanging eyewitness na si Jake, idinetalye niya mula sa pagdukot hanggang sa pagpaslang sa naturang biktima. At ang isa sa mga pinagbintangan na bahagi sa karumal-dumal na krimen ay isang nagngangalang Ka Jeffrey.


Si Jake ay dati umanong naging miyembro ng New People's Army (NPA) at kapwa niya kilala sina Joel at Ka Jeffrey dahil ang mga ito diumano ay miyembro rin ng NPA.


Ayon sa kanyang testimonya, noong Hunyo 24, 2007, dinukot ng 18 miyembro ng NPA, na noon ay nakatalaga sa Caramoan, Catanduanes, si Joel na nasa kanilang bahay at dinala sa isang lugar na mahigit kumulang 250 metro ang layo.


Tinutukan diumano ng baril si Joel ng isang nagngangalang Ka Melwin at inutusan itong humiga. Matapos iyon ay iginapos diumano nina Ka Ben at Ka Warren ang mga kamay ni Joel sa kanyang likuran. Bagaman hindi umano nakita mismo ng mga mata ni Jake ang pagkakagapos kay Joel dahil siya ay nakapuwesto nang may 15 metro ang layo, ikinuwento naman daw sa kanya ang tungkol dito.


Nakita na lamang niya na nakagapos na ang mga kamay ni Joel noong siya ay nasa halos 5 metro na lamang ang layo. Nakaupo na rin sa pagkakataong iyon si Joel. Pagkaalis nina Ka Ben at Ka Warren, nilapitan ni Ka Jeffrey si Joel. Ilang sandali pa ay dinala na si Joel sa isang kalapit na batis. Tinatanong ni Ka Melwin si Joel tungkol sa Barangay Intelligence Network (BIN) ng militar habang inutusan ang ilan nilang mga kasamahan na maghukay ng lupa na kung saan sila’y malapit.


Sa puntong ito ay piniringan ni Ka Ben si Joel. Inutusan din ni Ka Ben sina Ka Jeffrey, Ka Victor at Ka Eric na tapusin na si Joel. Si Ka Jeffrey ang unang sumaksak sa dibdib ni Joel habang ang naturang biktima ay nakagapos. Nagsalitan ng pananaksak sa biktima sina Ka Victor at Ka Eric, hanggang sa bawian na ito ng buhay. Bagaman may 15 metro ang layo ni Jake, nakita diumano niyang hinulog sa ginawang hukay ang katawan ni Joel at tinabunan ito ng lupa. Agad silang umalis sa naturang lugar at naghanap ng mapagpapahingahan.


Taong 2010, nang mahuli diumano si Jake, inamin niya kay Lt. Doldol ang sinapit ni Joel at itinuro ang lugar kung saan nila inilibing ang katawan nito. Subalit, hindi umano siya kasama noong hukayin ang labi ng sinasabing biktima.


Si Dr. Tanael ang sumuri sa labi ni Joel. Sa inilabas na Certificate of Death, ang nakalagay bilang informant ay ang ama ng biktima na si Silverio na siyang nagbigay ng mga impormasyon sa araw ng pagkamatay nito.


Kabilang si Ka Jeffrey sa sinampahan ng kasong murder sa Regional Trial Court (RT

C). Mariin niyang itinanggi ang mga akusasyon laban sa kanya. Mayo 25, 2007 diumano ay nagtungo siya sa Maynila upang maghanap ng trabaho at Mayo 2008 na siya nakabalik muli sa Catanduanes. Gayunman, binabaan ng hatol na guilty beyond reasonable doubt sa krimen na murder si Ka Jeffrey.


Ayon sa RTC, sumapat ang positibong pagkilala sa kanya bilang salarin sa naturang krimen.


Napatunayan din ang mga qualifying circumstances na treachery, taking advantage of superior strength, with aid of armed men, who insure or afford impunity, and employing means to weaken the defense.


Agad namang naghain ng Notice of Appeal si Ka Jeffrey, dahilan upang mapag-aralan muli ang kanyang kaso sa Court of Appeals (CA). Iginiit niyang mali ang naging desisyon ng RTC dahil kapuna-puna ang mga pagkakasalungat ng naging testimonya ng saksing si Jake. Hindi rin napatunayan ang pagkakakilanlan ng sinasabing biktima at ang katotohanan sa likod ng pagkamatay nito. Mali rin na hatulan siya gayung hindi naman napatunayan ang alegasyon tungkol sa paggamit ng superior strength.


Matapos ang mabusising pag-aaral ng CA, si Ka Jeffrey ay pinawalang-sala. Ayon sa appellate court, hindi sumapat ang ebidensya na isinumite ng prosekusyon upang mapatunayan, nang walang pag-aalinlangan, ang pagkakasala ng inakusahan.


Una, hindi umano napatunayan ang pagkakakilanlan ng nahukay na labi pati na rin ang sanhi ng pagkamatay ng sinasabing biktima. Maliban dito, wala umanong sapat na katibayan na ang labi ay kay Joel nga.


Nakadagdag pa sa pagdududa ng hukuman sa kriminal na responsibilidad ni Ka Jeffrey ay wala ni isang pulis o militar na sumama at sumali sa paghuhukay sa itinurong bangkay ni Jake. Ang nagpahayag ng kanilang testimonya para sa prosekusyon.


Bagaman isinumite rin ang Sinumpaang Salaysay ni Silverio, pumanaw na siya bago pa man siya makapagbigay ng testimonya sa hukuman. Kung kaya’t hindi masabi, nang may makatuwirang katiyakan, kung may pagkakasala nga si Ka Jeffrey. Ipinaalala ng CA, upang mahatulan ng conviction ang inakusahan, kinakailangan na mayroong sapat na ebidensya ukol sa pagkamatay ng biktima at sa pagkakakilanlan nito. Mga aspeto na hindi sapat na nasuportahan ng prosekusyon.


Ikalawa, ipagpalagay man diumano na labi nga ni Joel ang nahukay, hindi sumapat para sa CA ang pamamaraan ng pagtukoy sa sanhi ng pagkamatay nito. Ang nakasaad diumano sa Certificate of Death na sanhi ng pagkamatay ng itinuturing na biktima ay “[a]llegedly executed by [g]unshot wound”. Taliwas ito sa paulit-ulit na paratang ni Jake na sinaksak ang biktima na siyang naging sanhi ng pagkamatay nito. Hindi rin nabanggit ni Jake sa anumang bahagi ng kanyang mga testimonya na nabaril ang biktima.


Sa obserbasyon ni Dr. Tanael, dapat diumano ay tamang eksaminasyon ang isinagawa upang sapat na natukoy kung ang biktima ba ay namatay dahil sa tama ng bala ng baril o dahil sa iba pang sanhi. Malaki umanong epekto ng naturang pagkakasalungat, na nagbigay ng karagdagang pag-aalinlangan para sa CA sa kriminal na pananagutan ni Ka Jeffrey.


Sadyang kinakailangan na malinaw, konkreto at matibay ang ebidensya upang gapiin ang karapatan ng bawat akusado sa presumption of innocence. Bagaman mithiin ng batas na mabigyan ng hustisya ang bawat biktima ng krimen, patuloy na ipatutupad ng ating hukuman ang pagpapawalang-sala ng taong inakusahan kung mayroong makatuwirang pag-aalinlangan sa kanyang partisipasyon sa krimen. Ang hustisya ay ganap na makakamtan kung ang tamang kaparusahan ay maipapataw sa totoong nagkasala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page