top of page
Search
BULGAR

Kakulangan ng ebidensya, kahit pa nakita nang harap-harapan, wa’ pa rin epek

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | January 19, 2024

Ang buhay ay sadyang napakaiksi lamang. Hindi natin alam kung kailan ito magwawakas at hindi rin natin alam sa kung paanong paraan ito magwawakas.


Madalas nating marinig ang kasabihang “life begins at forty.” Pinaniniwalaang sa edad na ito, kadalasan nagsisimula ang pagkakaroon ng kaayusan at kaunlaran sa buhay ng isang tao, dahil na rin ito sa pinagdaanang mga karanasan at kasanayan sa mga nakaraang taon at panahon na humubog sa kanyang pagkatao. Ngunit sa kasamaang palad, sa batayang kaso ng artikulo natin ngayon, ang biktima na maaaring wala pa sa kalagayang ito ay pumanaw na sa edad na 41.  Sa dulo ng gatilyo siya ay yumao.


Hindi na niya ganap na natamasa ang mga biyaya, kasama na ang mga aral na hatid ng Dekada 40 sa buhay niya. Ang nabanggit na kaso ay hawak ng aming tanggapan na People of the Philippines vs. Reynaldo De Vera y Patiag (CA-G.R. CR-HC No. 15524, July 28, 2023), na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Ronaldo Roberto B. Martin (Special 4th Division). Narito ang kuwentong hango sa mga pangyayaring nakapaloob sa kasong ito.Para kay Emerson, sa edad na 41, isang malagim na pamamaril ang nagwakas ng kanyang buhay. Si Reynaldo ang isa sa mga inakusahang may kinalaman sa naturang pamamaslang.Ayon sa testimonya ni Rochelle, na noo’y kinakasama ni Emerson, nasa kanilang bahay sila noong gabi ng Setyembre 4, 2016.


Siya diumano ay naglalaba habang si Emerson ay nagpipintura ng bisikleta sa harap ng kanilang bahay.Napuna diumano ni Rochelle na mayroong asul na tricycle ang nakaparada sa hindi kalayuan ng kanilang bahay at nakasakay diumano rito sina Reynaldo, alyas “Warden” at alyas “llonggo”. Bumaba diumano mula sa nasabing tricycle sina Reynaldo at “Warden” lumapit ito sa kanya at inabutan siya ng pera habang nagtatanong kung mayroon siyang shabu. Sinagot diumano ni Rochelle na hindi siya nagbebenta ng shabu. Tumahimik lamang ang dalawang lalaki nang bigla na lamang diumano barilin ni “Warden” si Emerson na noon ay nakatalikod sa kanila.


Bigla na lamang diumano tumalilis sina Reynaldo at “Warden”, samantalang si “llonggo” ay biglang hinarurot ang nasabing tricycle. Hinabol diumano ng mga kaibigan ni Emerson ang mga naturang lalaki, ngunit si Reynaldo lang ang kanilang nahuli.


Agad namang isinugod ng kapatid ni Emerson ang biktima sa ospital, ngunit makalipas ang ilang araw ay binawian din ito ng buhay. Ayon sa testimonya ni Dr. Geronimo na sumuri kay Emerson, na-comatose ang biktima matapos ang operasyon at kalaunan ay pumanaw bunsod ng multi-organ failure.Kasong murder ang inihain laban kay Reynaldo sa Regional Trial Court (RTC). Ayon sa kanyang testimonya, noong gabi ng insidente ay nagmamaneho siya ng kanyang pedicab habang nasa ilalim ng impluwensya ng shabu. Siya diumano ay patungo noon sa isang kalye upang bumili pa ng shabu. Narinig niya ang putok ng baril at napagtanto niya na mayroong lalaking binaril. Naglakad lamang diumano siya palayo habang ang ibang mga tao sa paligid ay nagtatakbuhan sa iba’t ibang direksyon. Bigla na lamang umano siyang itinuro ni Rochelle, na siyang naging dahilan upang siya’y bugbugin at batuhin ng mga tao.


Dinala si Reynaldo ng mga pulis sa ospital, kasunod nito ay dinala na siya sa presinto kung saan sinabi ni Rochelle na kasabwat siya sa naganap na pamamaril. Iginiit naman ni Reynaldo na naroon siya noong panahong iyon upang bumili lamang ng shabu kay Rochelle.Sa kanyang cross-examination, ipinaliwanag ni Reynaldo na madalas siyang bumili ng shabu kay Rochelle at lahat ng kanilang naging transaksyon ay maayos.


Kung kaya, wala diumano maaaring maging rason si Rochelle upang idawit siya sa krimen. Ipinaliwanag pa ni Reynaldo na ang pamamaril sa biktima ay naganap sa kalye ng Lavezares, habang ang pagbili niya ng shabu ay malapit lamang sa bahay ni Rochelle. Narinig niya umano ang putok ng baril nang inaabot na niya ang pera kay Rochelle. Bagaman inamin niyang naroon siya nang mangyari ang pamamaril, ito ay upang bumili lamang ng P200 na halaga ng shabu kay Rochelle.


Sa cross-examination naman ni Rochelle, sinabi nito na bumibili noong gabing iyon sa kanya sina Reynaldo at “Warden” ng shabu. Nang tanungin si Rochelle kung nakita niyang nag-uusap sina Reynaldo at “Warden”, kung inutusan ba ni Reynaldo si “Warden” na barilin ang biktima, sinabi diumano ni Rochelle na hindi. Inakusahan lamang diumano niya na kasabwat si Reynaldo dahil magkasama ang mga ito at bigla rin diumano kasing tumakbo si Reynaldo nang barilin ang biktima.


Binabaan ng parusang Reclusion Perpetua without eligibility for parole si Reynaldo dahil sa kanyang pakikipagsabwatan sa naganap na pamamaslang kay Emerson. Agad naman siyang umapela sa naturang desisyon at iginiit na hindi napatunayan ng tagausig ang alegasyong pakikipagsabwatan niya sa bumaril sa biktima.


Sa masusing pag-aaral na ginawa ng Court of Appeals (CA), kinatigan nito si Reynaldo dahil sa makatwirang pag-aalinlangan sa kinalaman ng apilante sa pamamaril sa biktima. Ayon sa CA, bagaman nasa harap diumano ni Rochelle ang apilante nang barilin ni “Warden” ang biktima, hindi umano sapat ang presensya lamang nito bilang pagpapatunay ng pakikipagsabwatan sa bumaril. Ang pagtakbo ni Reynaldo matapos paputukan ng baril ang biktima ay hindi indikasyon na mayroong namuong sabwatan sa pagitan niya at ni “Warden”.Higit na mahalaga, ayon sa appellate court, ang pagpepresenta sa hukuman ng malinaw at konkretong ebidensya na tumutukoy sa bawat elemento ng conspiracy o pakikipagsabwatan ng mga inaakusahan.


Kung hindi ito maitaguyod ng tagausig, hindi maaaring patawan ng parusa at marapat na siya ay ipawalang-sala. Sa kasong ito, hindi nakumbinsi ang CA sa ebidensya na isinumite ng tagausig, kung kaya ay pinawalang-sala si Reynaldo. Sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Ronaldo Roberto B. Martin, ipinaalala ng CA na:

“The existence of conspiracy cannot be presumed and just like the crime itself, the elements of conspiracy must be proven beyond reasonable doubt. Absent conspiracy, his responsibility, as well as that of his co-accused, is individual — not collective — and each is to be punished only for his own separate acts.


Likewise, in all criminal cases, all doubts should be resolved in favor of the accused for it is better to acquit a guilty man than to unjustly keep in prison one whose guilt has not been proven by the required quantum of evidence.”


Sa huli, bagaman hangad ng ating hukuman na maibigay ang hustisya sa tinamo ng biktima, mayroong pagkakataon na pagbababa ng hatol na pagpapawalang-sala ang kanilang pipiliin kung ang kriminal na responsibilidad ng naakusahan ay hindi lubos na napatunayan. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page