top of page
Search
BULGAR

Kakulangan ng ebidensya, kahit pa may testigo, wa’ pa rin ‘wenta

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 24, 2023


Pinaslang na, sinunog pa. Ito diumano ang ginawa sa mag-inang biktima. Maituturing na karumal-dumal ang pangyayaring ito na nakapaloob sa kasong hawak ng aming tanggapan, ang People of the Philippines vs. Richard Talvo y Tomagcao (C.A. G.R. CR HC No. 13813, June 7, 2021, na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Manuel M. Barrios [10th Division]). Narito ang kuwento na kaugnay sa nasabing kaso, kung saan ang mag-inang walang-awang pinaslang ay dumadaing pa rin mula sa kanilang hukay.


Si Analyn at ang 2-taong gulang niyang anak na si C ay pinaslang diumano sa loob ng kanilang bahay. Sila’y sinunog upang pagtakpan ang naturang krimen. Si Richard na asawa ni Analyn at ama ni C, ang pinagbintangan na kumitil sa buhay ng mag-ina.


Ayon kay Wilfredo, tiyuhin ni Analyn, huli niyang nakita si Analyn at C sa burol ng kanilang kaanak noong ika-5 ng Abril 2006. Noong panahong ‘yun ay magkaaway diumano ang mag-asawa dahil nagastos ni Richard ang perang nakalaan para sa gamot ni Analyn. Alas-10 ng gabing iyon, umuwi si Analyn at C sa kanilang bahay. Alas-4 ng madaling-araw, nakita ni Wilfredo na naglalakad si Richard pauwi sa kanilang bahay.


Hindi na niya pinansin si Richard at pumasok na lamang siya sa kanyang bahay upang matulog. Nagising na lang si Wilfredo nang marinig ang sigaw ng kanyang kapatid. Paglabas niya, nakita niya ang kanyang mga kapitbahay na may mga bitbit na balde ng tubig patungo sa direksyon ng bahay nila Richard. Matapos maapula ang sunog at habang tinatanggal ng mga rumespondeng bumbero ang mga nagkalaglagang bahagi ng nasunog na bahay, nakita diumano ang bangkay na kalaunan ay kinilalang sina Analyn at C.


Ayon kay Fire Officer SFO2 Angeles, ang bangkay ng mag-ina ay natagpuang magkatabi na tila’y natutulog. Nakita rin sa tabi nila ang may siga pang lampara ng kerosene.


Alas-6 ng umagang iyon, dumating si Richard sa kanilang bahay lulan ng tricycle. Agad siyang tinanong ni SPO2 Garcia kung saan siya nanggaling at kung bakit wala siya sa kanilang bahay nang mangyari ang sunog. Hindi umano sumagot si Richard, bagkus, siya ay napaluhod na lamang at umiyak. Dahil sa suspetsa ng foul play ay dinala si Richard sa istasyon ng pulis.


Batay naman sa testimonya ni Teodily, alas-4:30 ng madaling-araw noong araw ng insidente, habang nakasakay sila ng sasakyan, nakita diumano nila na mayroong nasusunog na bahay. Nang bagalan ang takbo ng kanilang sasakyan, napuna niya diumano na mayroong isang lalaki na naka-white t-shirt, khaki short at sombrero na nakatitig lamang sa naturang sunog at walang ginagawa upang tumulong. Makalipas ang ilang araw, kinumpirma ni Teodily sa pulis ang kanyang nakita.


Sa otopsiya na ginawa ng NBI sa bangkay ng mga biktima, inilahad na ang sanhi ng kanilang pagkamatay ay traumatic injury sa ulo at contributory na lamang ang sunog sa kanilang katawan.


Mariing pagtanggi naman ang iginiit ni Richard.


Ayon sa kanya, si Wilfredo ang maaaring may kagagawan ng krimen dahil mayroon na itong pagbabanta sa buhay ni Analyn, dahil sa ‘di pagpapautang ng biktima.


Sinuportahan ng nanay ni Richard, na si Maria, ang nasabing alegasyon. Nabanggit diumano sa kanya ni Analyn ang pagbabanta ni Wilfredo sa kanyang buhay.


Batay din kay Maria, sa kanyang bahay umuwi si Richard alas-12:00 ng gabi noong ika-5 ng Abril 2006 at du’n na nagpalipas ng gabi. Nagising na lamang diumano sila alas-5 ng madaling-araw dahil nakatanggap ng balita si Richard na nasusunog na ang bahay nito.


Matapos ang pagdinig sa mga reklamong isinampa laban kay Richard, hinatulan siya ng Regional Trial Court (RTC) para sa two counts ng Parricide at one count ng Destructive Arson.


Inapela ni Richard ang naturang hatol sa Court of Appeals (CA). Mariin niyang iginiit na sa kabuuan, ay hindi sapat ang naipresintang ebidensya ng prosekusyon laban sa kanya.


Matapos ang masusing pagsisiyasat muli sa mga ebidensya at testimonya na isinumite, ipinawalang-sala ang inakusahan. Ipinaliwanag ng CA sa ipinalabas nitong desisyon na bagaman maaaring isulong ang isang kaso nang walang direktang ebidensya at circumstantial evidence lamang ang batayan, kinakailangan na ang mga naturang ebidensya ay malinaw, patas at makat’wirang sumusuporta sa konklusyon na ang inaakusahan ang siya mismong may gawa ng krimen at wala nang ibang taong maaari pang gumawa nito.


Sa kaso ni Richard, hindi nakumbinsi ang CA na napatunayan ang kanyang pagkakasala base sa mga isinumiteng circumstantial evidence. Napuna ng CA na ibinatay ang pagkakakilanlan ng salarin sa testimonya nina Wilfredo at Teodily. Subalit, sa masusing pagkilatis muli sa kanilang testimonya, hindi diumano nila positibong kinilala at napatunayan na si Richard nga ang pumaslang sa kanyang mag-ina.


Ayon din sa CA, ipinagpalagay lamang ni SFO2 Angeles na si Richard ang may-akda ng sunog, subalit wala ring naihayag na ebidensya na sumusuporta sa pag-uugnay kay Richard sa panununog ng kanilang bahay. Ipinaalala rin ng CA na kahit gaano pa kalakas ang suspetsa laban sa akusado, ang mahalaga ay ang mapatunayan nang walang pag-aalinlangan, ang pagkakasala ng inakusahan. Samakatuwid, direct evidence man o circumstantial evidence ang isusumite, proof beyond reasonable doubt pa rin ang kinakailangan. Dito diumano nagkulang ang prosekusyon.


Malagim man ang sinapit ng mga biktima sa hindi inaasahang pagpanaw, minarapat na ipawalang-sala ng CA si Richard dahil sa kahinaan ng ebidensya laban sa kanya.


Gayunman, hindi mawawala ang pag-asang matutukoy pa rin kung sinuman ang totoong gumawa ng naturang krimen at makakalap ng matibay na ebidensya laban sa kanya upang mapagbayaran ang karumal-dumal na pagpaslang sa mag-inang biktima.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page