ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | February 7, 2023
Kakulangan ng mga classroom. ‘Yan ang pangunahing isyu na dapat agad tutukan ng Department of Education (DepEd), batay sa resulta ng isang survey na kinomisyon ng inyong lingkod.
Base sa resulta ng Pulse Asia survey na isinagawa noong Setyembre 17 hanggang 21, 2022, 52 porsyento ng mga kalahok ang nagsabing ang kakulangan sa classroom o silid-aralan ang isyung dapat unang tutukan ng DepEd.
Halos anim sa sampung kalahok sa Luzon (56 porsyento) at Mindanao (57 porsyento) ang naniniwalang dapat unahin ng DepEd ang kakulangan sa classroom. Ito rin ang paniwala sa National Capital Region (NCR) at Visayas kung saan parehong 44 porsyento ng mga kalahok ang nagsabing kakulangan sa classroom ang pangunahing isyu na dapat tutukan ng DepEd.
Kakulangan din sa classroom ang dapat iprayoridad ng DepEd, ayon sa mahigit kalahati ng mga kalahok mula sa class A, B, C (52 porsyento) at D (54 porsyento). Halos kalahati naman ng mga kalahok mula sa Class E (49 porsyento) ang sumasang-ayon dito.
Kailangang tiyakin ng ating pamahalaan na mapupunan nito ang kakulangan sa mga classroom.
Lumalabas na kulang ng 167,901 na silid-aralan ang bansa ayon sa 2019 National School Building Inventory (NSBI). Sa pagtalakay sa 2023 national budget, P420 bilyon ang kinakailangan ng bansa para mapunan ang kakulangan sa mga silid-aralan.
Lumabas din sa isinagawang survey na mahigit 40 porsyento ng mga kalahok ang nagsasabing dapat bigyan ng prayoridad ang kakulangan ng mga aklat at computers (49 porsyento), pati na rin ng mga guro (45 porsyento). Lumalabas naman na 33 porsyento lamang ang naniniwalang dapat munang tutukan ng DepEd ang kalidad ng edukasyon, at 24 porsyento naman ang tumukoy sa kakulangan ng textbooks.
Lumitaw din sa isinagawang survey ang iba pang mga isyu tulad ng drug testing para sa mga mag-aaral, mababang sahod para sa mga guro, wika sa pagtuturo, mga pagkakamali sa textbook, at kakayahan ng mga guro.
Bagama’t prayoridad para sa karamihan ng ating mga kababayan ang sapat na mga classrooms, titiyakin natin na tutugunan din natin ang ibang mga kakulangang kinakaharap natin, lalo na pagdating sa kalidad ng edukasyon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentários