top of page

Kakambal ng kasaysayan ng ‘Pinas, talamak na korupsiyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 9
  • 3 min read

ni Ka Ambo @Bistado | Apr. 9, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Na-promote si General Torre.

Isa kasi siyang “grandmaster”.


----$$$--


PABOR sa mga incumbent executives ang proseso ng eleksyon sa Pilipinas.

Iyan mismo ang ugat ng korupsiyon.


----$$$--


Bakit walang incumbent na nagtatalumpati na lalabanan niya ang korupsiyon?Dahil mistulang sinuntok niya ang kanyang sarili.

He-he-he!


----$$$--


SA totoo lang, hindi naman natin maloloko ang mga botante dahil alam naman nila na “ninakaw” lang talaga ang mga ayuda sa legal na diskarte.

Kumbaga, nakikiparte lang sila sa “dambong”.

Ha! Ha! Ha!


----$$$--


LUMILITAW lang ang problema, kapag ibinoboto ng mga botante ang “alam na alam” nilang mararambong sa city hall at munisipyo.

Dapat nating maunawaan na ang kawani ng city hall at munisipyo — ay tagabarangay din.

Sila mismo ang nagtsitsismis ng pandarambong.


----$$$--


KAPAG natanggal sa puwesto ang mandarambong, tanggal din ang mga 15-30.

Papalitan naman sila ng panibagong mandarambong at siyempre, panibagong amuyong. Paulit-ulit lang.

Pero, pasensya na kayo — ‘yan mismo ang “demokrasya” — malayang magnakaw sa kaban ng bayan.


----$$$--


GAGAWA ba ng batas ang mga kongresista at senador na ipagbabawal ang iskema ng “pork barrel”?

Ang pork barrel ay hindi isang klase ng pondo o badyet, ito ay “iskema” o “modus” na suportado ng mga ginawang batas mismo ng mga “mandarambong”.


----$$$--


ANG depinisyon ng “mandarambong” ay hindi nakasandal sa legalidad, bagkus ito ay mas nakapundasyon sa paglabag sa moralidad at divine law o Ten Commandments.

Ang paglabag sa Ten Commandments ay nagiging lehitimo at moral batay sa lipunang nakamihasnan.


----$$$--


ISANG halimbawa nito ay ang pag-aasawa ng iisang beses lang, pero sa praktis ng ilang relihiyon o ilang kultura — lehitimo at moral na mag-asawa ng higit sa isa.

Pero, iyan ay tungkol sa pag-aasawa, subalit ang pag-iimbot ng hindi mo pag-aari ay isang kasalanan sa mata ng Diyos at mata ng tao — iyan ay illegal.


 ----$$$--


GAYUNMAN, ang katagang “illegal” ay may malawak na kahulugan o “broad term”.

Kailangan pang gumawa ng espesipikong regulasyon o batas upang matukoy — kung anong espesipikong aktibidad — ang maituturing na “pagnanakaw o pandarambong”.


----$$$--


ANG modus o iskemang pork barrel ay lehitimo sa Pilipinas dahil binibigyan ng “executive power” ang legislative officials — kahit ang kanyang trabaho ay gumawa lamang ng batas.

Anumang badyet o pondo na may “discretion” ang isang mambabatas — senador, kongresista, bokal, konsehal o kagawad ay legal pero ito ay “immoral” sa esensiya ng probisyon at paglabag sa Konstitusyon.


----$$$--


ANG Konstitusyon ang mismong nilalabag kapag ang lehislatura ay binibigyan ng executive power.

Duplikasyon ‘yan ng trabaho at responsibilidad ng mga ehekutibo.


----$$$--


HINDI na mabago ang imoralidad sa gobyerno dahil ang inaasahang gagawa ng batas ay hindi nauunawaan ang kanyang trabaho.

Maging ang Korte Suprema ay bigo na proteksyunan ang Konstitusyon at ordinaryong mamamayan dahil nagkakasya lamang ang kanilang interpretasyon sa umiiral na mga batas — at hindi sa “ideya, ispekulasyon o dakdak” tulad ng ating ginagawa.


----$$$--


KAKAMBAL ng kasaysayan ng Republika ng Pilipinas at maging ng ibang demokratikong gobyerno sa ibang bansa — ang talamak na korupsiyon.

Kumbaga, hindi tayo nag-iisa at hindi ito ngayon lang nagaganap, bagkus ay matagal na.


----$$$--


MAGING ang mga komunistang gobyerno gaya ng China o ang sosyalistang rehimen tulad ng Russia ay batbat din ng korupsiyon.


‘Yun nga lang, mabilis ang hustisya sa mga naturang bansa — kung hindi ikinakalaboso agad -- ang mga mandarambong ay ipina-firing squad sa plaza.

Sa Pilipinas? Paulit-ulit na nahalal at ang poder at pandarambong ay ipinamana pa sa mga apo at kaapu-apuhan!


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page