ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Mar. 1, 2025

HIGH INCOME SA MAGSASAKA AT PABAHAY NA ISUSULONG DAW NINA SOTTO AT PACQUIAO, PANG-ELEKSYON LANG -- Matapos ianunsyo ni former Senate President Tito Sotto na kapag siya’y nagwagi, isusulong niyang magkaroon ng malaking income ang mga magsasaka, at inanunsyo rin ni former Senator Manny Pacquiao na kapag nanalo rin daw siya ay pabahay naman daw ang kanyang isusulong sa Senado.
Walang duda, pabida at pang-eleksyon lang nina Sotto at Pacquiao ang mga sinabi nilang iyan para iboto sila ng publiko kasi ang tagal na nilang naging senador, eh hindi naman nila naisulong iyang mga pinagsasabi nila, at porke pareho silang kandidato ngayon uli sa pagka-senador, binuboladas nila ngayon ang mamamayan na iyang mga sinabi nila ang gagawin daw nila sa Senado kapag muli silang iniluklok sa puwesto ng mga botanteng Pinoy, boom!
XXX
KAPAG ‘DI NAISYUHAN NG PLAKA LAHAT NG MOTORSIKLO SA PAMUMUNO NI DOTr SEC. DIZON, PABIDA LANG ANG PAGPUNA NIYA SA LTO NA MAKUPAD SA ISSUANCE NG PLATES -- Pinuna ni newly appointed Sec. Vince Dizon ng Dept. of Transportation (DOTr) ang may kakuparang pag-iisyu ng Land Transportation Office (LTO) ng plate numbers sa mga motorsiklo, na ayon sa kanya, iyong mga motorsiklong model 2014 ay hanggang ngayong year 2025 na wala pa ring isyung mga plaka.
Tingnan nga natin kung magawa ni Sec. Dizon sa ilalim ng kanyang pamumuno sa DOTr na ngayong taon ay maisyuhan na ng plaka ang mga rehistradong motorsiklo sa bansa mula model 2014 hanggang year 2024, kasi kung hindi, isa lang ang ibig sabihin niyan, isa rin siya sa mga miyembro ng Gabinete ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na mahilig magpabida sa publiko, period!
XXX
SA PANAHON NG DUTERTE ADMIN, ANG BUMATIKOS SA GOBYERNO NIRE-RED-TAGGED -- Pinutakti ng batikos si former presidential legal counsel, Salvador Panelo sa kanyang statement na hindi raw dapat nagbabalat-sibuyas ang Marcos administration kapag natutuligsa sila ng publiko sa mga maling polisiya nila sa pamahalaan.
Mababatikos talaga siya kasi noong sila pa ang nasa Malacañang sa panahon ni ex-P-Duterte, kapag may tumuligsa sa Duterte admin ay nagbabalat-sibuyas din sila, may mga grabeng resbak pa nga silang ginagawa, nire-red-tagged nila at inaakusahan ng National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na mga terorista raw ang bumabatikos sa pamahalaang Digong, boom!
XXX
‘PAGPATAY’ SA HANAPBUHAY NG MGA MAGSASAKA NG LOKAL NA SIBUYAS IBINIDA PA NI DA SEC. LAUREL -- Ibinida ni Sec. Francisco Tiu Laurel ng Dept. of Agriculture (DA) na dumating na raw sa bansa ang 500 tonelada ng imported red onions at mabibili na raw ang mga ito sa merkado.
Kainis din itong si Sec. Laurel, kasi ibinida pang “pinapatay” nila ang hanapbuhay ng mga magsasaka ng lokal na sibuyas sa pamamagitan ng pag-aangkat ng mga importer ng sibuyas, pwe ka!
Comments