top of page
Search
BULGAR

Kailangang tutukan ang pag-aaral ng kabataan sa murang edad pa lamang

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | November 9, 2021



Mahalagang matutukan natin ang pag-aaral ng mga bata sa murang edad pa lamang dahil ito ang magsisilbing pondasyon ng kanilang pagkatuto. Ngunit naging hadlang ang pandemya sa paghahatid ng serbisyong may kinalaman sa early childhood care and development. At ngayon ay ikinababahala pa natin ang pagbaba ng pondo ng Early Childhood Care and Development (ECCD) Council, lalo na’t ang mapipinsala dito ay ang long-term development ng mga kabataang mag-aaral.


Para sa 2022, ang ECCD Council ay nakatakdang makatanggap ng P71.9 milyon. Ito ay mas mababa ng halos 60 porsiyento kung ihahambing sa P173.5 milyong budget ng ahensiya ngayong taon. Sa mga attached agencies ng Department of Education (DepEd), ang ECCD Council ang may pinakamalaking kaltas sa budget.


Ang ECCD Council din ang may pinakamababang obligation rate na umabot sa 33 porsiyento sa lahat ng mga attached agencies ng DepEd. Noong 2019, ang unused appropriations o hindi nagamit na pondo ng ahensiya ay umabot sa P53 milyon. Noong 2020, pumalo sa mahigit P300 milyon ang hindi nagamit na pondo.


Kaya naman sa halip na bawasan natin ang pondo para rito, dapat tulungan nating makabangon at makahabol ang mga ECCD service providers at kanilang mga mag-aaral.


Sa isang policy note na lumabas noong 2020, nagbabala ang World Bank na ang pandemya ng COVID-19 at ang pagsasara ng mga paaralan ay nagdudulot ng pinsala sa early childhood education at foundational learning sa primary school. Ayon pa sa World Bank, ang paglinang sa literacy at numeracy hanggang sa edad na walo ay nagsisilbing pundasyon sa edukasyon ng mga bata.


Ang mababang obligation rate ay maaaring naidulot ng mababang bilang ng mga National Child Development Centers o NCDCs na naipatayo. Sa 108 na target ng ahensiya ay 32 lang ang naipatayo.


Sa ilalim ng Republic Act No. 10410 o ang Early Years Act of 2013, mandato ng ECCD Council na ipatupad ang National ECCD System na sumasaklaw sa mga programang may kinalaman sa kalusugan, early education, at social services na kinakailangan ng mga bata hanggang sa edad na apat. Kabilang sa mga mandato ng ECCD Council ang pagkakaroon ng sistemang pambansa na may kinalaman sa early identification, screening at surveillance ng mga bata hanggang apat na taon.


Hindi naabot ng naturang ahensiya ang target nito noong nakaraang taon pagdating sa mga naipatayong NCDs at Day Care Centers na ginawang Child Development Centers (CDC). Kaya naman bukod sa mungkahi ng inyong lingkod bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na taasan ang pondo ng ECCD Council, hinihimok din natin itong ahensiya na paghusayin ang paggamit ng pondo.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page