top of page
Search
BULGAR

Kailangang maresolba ang lumalalang Youth unemployment at underemployment sa bansa

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | September 10, 2022


Kamakailan, pinasimulan ng isa sa ating komiteng pinamumunuan sa Senado, ang Senate Committee on Youth ang isang pagdinig. At kabilang sa ating tinalakay ang Senate Resolution 155. Layunin ng resolusyong ito na mapag-usapan at maresolba ang lumalalang youth unemployment at underemployment sa bansa.


Bagaman hindi lang naman sa Pilipinas talamak ang youth unemployment kundi sa buong globa, naging mas malala ang sitwasyong ito dahil sa pandemya. Ganito ang nilalaman ng report mula sa International Labor Organization na nagsabing naging malaking dagok sa kabataan ang COVID-19 pandemic, partikular sa mga kabataang may edad 15 hanggang 24.


Sa ulat ng ILO, posibleng umabot sa 73 milyong kabataan sa buong mundo ang walang trabaho bago matapos ang taong kasalukuyan. Lumalabas na mas mataas ito ng 6 na milyon sa naitalang datos noong 2019.


Sa mga nakababahalang datos tulad nito, dapat lang na bigyan natin ito ng kaukulang pansin at magkaroon ng pagdinig upang maresolba ang mga pinag-ugatan ng problema.


Base naman sa ulat ng 2022 Labor Force Survey, sa halos 3 milyong Pilipino na walang trabaho, tinatayang 854,000 sa mga ito ang may edad 15 hanggang 24. Ibig sabihin, meron tayong 11.8 percent youth unemployment rate na mas mababa sa 16.5 percent na naitala noong 2021, kung saan 1.71 milyong kabataan ang walang trabaho.


Sa kasalukuyan, base sa report ng Philippine Statistics Authority, ang mga kabataang manggagawa ay nasa empleyo ng mga industriyang may kinalaman sa wholesale, retail, trade, motor vehicles and motorcycles repair, agriculture and forestry, construction, manufacturing at administrative and other support service activities.


Ang nakalulungkot, kakarampot na suweldo ang natatanggap nila sa mga industriyang ito at kadalasan, hindi akma sa kanilang kaalaman o skills. At dahil hirap ang mga kabataang ito na maghanap ng maayos na trabaho, napipilitan na lamang silang pasukin ang mga low-paying jobs or low-skill jobs.


Hindi dapat maging normal ang underemployment sa ating mga kabataan. Suhestiyon natin sa gobyerno, dapat magkaroon sila ng ugnayan sa pribadong sektor para magtulungan silang lumikha ng maayos na trabaho na makapagbibigay ng maayos ding pasahod sa ating mga kabataang empleyado.


Hindi sapat na may nalikha lang tayong trabaho. Dapat ay sinisiguro rin natin na makatutulong ito sa isang manggagawa at sa kanyang pamilya.


Isa sa mga nakikita nating paraan para maresolba ang mga problemang ito ay ang pagsulong natin sa digitalization; care and green industries na hindi lamang makalilikha ng mga bagong trabaho kundi makatutulong din sa pagpapalakas sa ating GDP sa mga darating na araw.


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page