ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | Oct. 25, 2024
Ang buwan ng Oktubre ay kinikilala bilang Local Government Month.
Muling nabibigyang-diin ang importansya ng ating mga lokal na pamahalaan ngayong kasalukuyang sinasalanta ng Bagyong Kristine ang iba’t ibang bahagi ng bansa, partikular na ang Bicol Region.
Ang mga komunidad ang pinakaapektado sa tuwing may dumarating na unos.
Kaya’t mahalagang masiguro na may sapat na kakayahan ang ating mga local government units o LGUs na humarap sa mga sakuna.
☻☻☻
Sa nagdaang Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction (APMCDRR) na ginanap noong nakaraang linggo, binanggit ang pangangailangan ng paglalaan ng pondo ng pamahalaan para sa disaster risk reduction at prevention.
Malaking bahagi rito ang pagbuhos ng suporta sa mga LGU upang maging handa sila sa mga sakuna gaya ng bagyo at tagtuyot, lalo pa sa harap ng climate change na nagpapaigting ng epekto ng mga ito.
Ang Pilipinas ang tinataguriang “most disaster-prone country” sa ika-16 diretsong taon, ayon sa World Risk Index.
Kailangan nating kilalanin ang panganib na hinaharap natin at sa lalong madaling panahon ay gumawa ng mga hakbang upang hindi laging nauuwi sa krisis ang pagdating ng sakuna.
☻☻☻
Nananawagan tayo sa pambansang pamahalaan na madaliin ang pagbigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo.
Sa mga kababayan nating may kakayahang tumulong, huwag din sana tayong mangimi na ibigay ang makakaya para kahit paano ay maibsan ang bigat na dala ng mga apektado ng bagyo.
Kung sama-sama tayo ay malalagpasan natin ang panibagong hamong ito.
☻☻☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice!
FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments