top of page
Search
BULGAR

Kailangang bigyan-prayoridad ang kalusugan at kaligtasan ng mga guro

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 1, 2020



Ngayong nalalapit na ang pagbubukas ng eskuwela sa mga pampublikong paaralan, maituturing nating parang sundalo ang ating mga guro na ipapadala natin sa digmaan. Magsisimula na rin kasi ang kanilang pag-iikot sa mga komunidad para mamigay ng self-learning modules na kakailanganin para sa blended learning.


Sa pamamagitan ng pangangalaga sa kanilang kalusugan at paniniguro sa kanilang kaligtasan, maipapakita natin sa kanila ang pagpapahalaga sa kanilang mga kontribusyon upang mapatakbo ang sistema ng edukasyon sa panahon ng “new normal.”


Ang pagkilala sa kadakilaan ng mga guro at ang pagbibigay-halaga sa kanilang kapakanan ang mensaheng nais nating iparating sa lahat ng mga magigiting na guro ngayong ipinagdiriwang natin ang National Teachers’ Month na magtatapos sa ika-5 ng Oktubre, ang unang araw din ng pasukan.


Kailangang bigyan-prayoridad ang mga pangangailangang pangkalusugan ng mga guro para matiyak ang matagumpay na pagpapatupad ng ‘Basic Education Learning Continuity Plan’. Mahalaga na ating natututukan at natutugunan ang kanilang pagpapagamot, lalo na kung nagpositibo sila sa COVID-19.


Kung hindi natin sisiguruhin ang kanilang kaligtasan, mawawalan sila ng kumpiyansa at posibleng magdulot ito ng pagkabigo sa hangarin nating magtagumpay ang pagpapatupad ng distance learning.


Hindi man saklaw ng 2020 budget ang pagpapagamot ng COVID-19, tiniyak naman ng Department of Education o DepEd na makatatanggap ng mga benepisyo mula sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang mga guro tulad ng ibang mga kawani ng pamahalaan. Ayon sa DepEd, nakikipag-ugnayan na sila sa PhilHealth, Employees’ Compensation Commission (ECC) at Government Service Insurance System (GSIS) upang matugunan ang kapakanan ng mga guro.


Ngunit hindi tayo puwedeng magpatumpik-tumpik. Mahalagang maisapinal na ang mga ugnayang ito bago magsimula ang klase dahil maaaring malagay sa panganib ang kalusugan ng mga guro sa kanilang pamamahagi ng mga self-learning modules sa mga mag-aaral.


Base sa datos ng DepEd noong Agosto 23, mahigit 800 mga mag-aaral at kawani ng DepEd ang nagpositibo sa COVID-19. Binawian ng buhay ang 23 sa kanila, habang 310 ang maituturing na mga aktibong kaso at halos 500 ang gumaling. Sa mga nabanggit na kaso, halos 300 ay mga mag-aaral, 340 ay mga guro at 186 naman ay mga non-teaching personnel.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, hinihimok natin ang pamahalaan na agad nang ipamahagi ang cash assistance sa mga guro at non-teaching personnel mula sa Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2. Marami sa mga guro at non-teaching personnel ang nawalan ng trabaho dahil sa kasalukuyang pandemya.


Nararapat lamang na magbigay-pugay tayo sa ating mga mahal na guro ngayong Buwan ng mga Guro. Nakita ng lahat ang kanilang malasakit sa mga estudyante at pagmamahal sa kanilang propesyon. Hindi lingid sa kaalaman ng marami na mayroong mga guro na gumagasta mula sa sariling bulsa upang may maipambili lamang ng mga kagamitan para sa blended learning. Isa lamang ito sa maraming mga sakripisyo ng mga guro na hindi matatawaran at dapat nating kilalanin at hindi dapat abusuhin.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page