top of page
Search
BULGAR

Kailangan ng resource center para sa mga katutubo

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | October 15, 2022


Sa dami ng trahedya, sakuna at krisis na pinagdaraanan natin sa kasalukuyan, ang higit na tumatanggap ng matinding hagupit ay ang mga kababayan nating mahihirap. At kabilang sa kanila ang mga kaawa-awang nating katutubo o IPs. Kung malubhang dagok ang dinaranas natin sa mga sunud-sunod na problema, paano pa kaya sila?


Isang panukalang batas ang itinutulak natin ngayon sa Senado – ang Senate Bill 1167 o ang Resource Centers for Indigenous Peoples Act of 2022. Ano ba ang kahalagahan nito? Layunin nating makapagtayo ng indigenous cultural communities o IP resource centers para mas mailapit ng gobyerno ang serbisyo para sa kanila. Sa pamamagitan ng resource centers na ito, mas madali para sa National Commission on Indigenous Peoples o NCIP na tukuyin ang mga lugar na kinaroronan ng ating IPs at maipahatid ang mga pangangailangan nila at mabatid ang kanilang mga suliranin.


Sa ilalim ng ating panukala, ang resource centers ay may tatlong bahagi: ang Statistical Service Area, Human Development Index Service Area at ang Domains Management Service Area.


Itong Statistical Service Area ang tututok sa documentation at pagkilala sa indigenous cultural communities (ICCs) at IPs. Ang Human Development Index Service Area naman ang tutugon sa mga problema ng mga katutubo at magkakaloob sa kanila ng tulong at iba pang serbisyo. Ang Domains Management Service Area naman ang nakatalaga sa promosyon ng participatory programs, projects at iba’t ibang aktibidad para sa ating IPs.

Sa kasalukuyan, daan-daang IP groups sa bansa ang nananatili sa 14 million-17 million ICCs. Bagaman patuloy ang pagsusulong sa kanilang karapatan at kapakanan, nakalulungkot na hanggang sa kasalukuyan, nananatiling sila ang pinaka-napababayaan ng mga kinauukulan.


Sabi sa mga pag-aaral, 6% lang ang populasyon ng IPs sa buong mundo. Pero ang masakit, ganun man kaliit ang kanilang populasyon, sila naman ang bumubuo sa 20 porsyento ng pinakamahihirap na mamamayan sa buong globa.


Isinusulong natin ang ating panukalang pagkakaroon ng resource centers upang mas maging bukas sa pamayanan ang kinasasadlakan ng ating IPs. Kinakailangang magkaroon tayo ng public data tungkol sa ICCs o sa kanilang komunidad para mas maging madaling alamin ang kanilang sitwasyon, mas madali para sa gobyerno ang padalhan sila ng iba’t ibang tulong at mahahalagang serbisyo.


Sa mga panahong ito na hindi pa rin tayo nakaaalpas sa mga krisis, tulad ng pandemya at pangkabuhayan, napaka-importante na wala tayong naiiwang kababayan na napaaabutan ng tulong.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page