ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | November 6, 2020
Bukod sa COVID-19 pandemic, sunud-sunod na bagyo ang namemerwisyo sa ating mga magsasaka, kaya tila nawawalan na sila ng pag-asang makarerekober pa hanggang sa susunod na planting season.
Eh, biruin n’yo naman, katatapos lang ng pamiminsala ng mga ibang mga bagyo, dumating ang super-bagyong Rolly at kasunod pa si “Siony”! Santisima!
Lubog na lubog na ang kabuhayan ng mga magbubukid at luging-lugi na to the max ang benta ng basang palay na pitong piso na lang kada kilo. At mind you, ha, mga mag-iitik na lang daw ang bumibili dahil sa sobrang kaitiman na ng palay.
Ang masaklap, may kabagalan ang dating ng mga ayuda. Ipinarating pa sa aming opisina ng ilang farmer-groups na hindi pa raw nasisilip man lang ang aktuwal na pinsala ng mga nagdaang bagyo sa kanilang mga palayan na hindi na maani dahil sa baha.
Nabaon lalo sa utang ang ating mga magsasaka. Loan dito, loan doon, nakakaawa. Tila ba hindi na sila makakaahon sa paulit-ulit na sistemang ito, Kaya’t no wonder kung marami sa kanila, eh, kapit na sa patalim. Nagbabalak nang ibenta ang kanilang mga lupain. ‘Wag naman sana!
Pero no worries, IMEEsolusyon pa naman d’yan. Inihain natin ang Senate Bill No. 883 para palawakin ang crop insurance ng ating farmers. Hindi na nila hihintaying magdeklara ang gobyerno ng state of calamity o i-assess pa ang pinsala sa agrikultura bago sila makakubra sa insurance. Automatic na silang babayaran kahit pa kasagsagan ng bagyo.
At para magkaroon ng mas mataas na kumpiyansa ang mga pribadong insurer na back-upan ang agricultural investments, nais nating gawing reinsurance agency ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) na sasakupin ang agricultural insurance na hindi saklaw ng National Reinsurance Corporation of the Philippines (NatRe).
Labs natin ang mga bayani ng bukid, kaya ‘wag kayo mawalan ng pag-asa. Laban lang, keri ‘yan!
Comments