top of page
Search
BULGAR

Kailangan nating makamit ang herd immunity, magpabakuna tayo

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | August 25, 2021



Ang pagbibigay ng malinis at tapat na serbisyo ang isa sa mga pangunahing layunin natin sa paglilingkod sa mamamayan at sa bayan. Ilang beses na nating napatunayan ang dedikasyon sa layuning ito — sa katunayan, ilang opisyal na ng gobyerno ang tinanggal ng Pangulo dahil sa isyu ng korupsiyon.


Kaya naman, umaapela tayong tugunan ng mga ahensiya ng gobyerno ang initial findings ng Commission on Audit (COA) upang malinawan ang lahat at lumabas ang katotohanan. Bigyang-oportunidad ang mga ahensiyang sagutin ang mga paratang sa kanila, klaruhin ang mga isyu, itama kung may pagkakamali, at mas ayusin ang kanilang trabaho.


Dapat walang matulog na pera. Kung may kailangang gastusin, gastusin nang tama. Hindi dapat mabagal o matagal ang serbisyo sa tao. Hindi puwede ang papatay-patay, lalo na sa panahon ngayon na buhay ang nakataya. At higit sa lahat, dapat walang anomalya. Pera ng taumbayan ‘yan, dapat sila ang makabenepisyo riyan.


Nananawagan naman tayo sa Ombudsman at COA na ipatuloy ang pag-iimbestiga, i-audit at i-review sa mga ahensiya ng gobyerno. Tulad ninyo, iisa rin ang hangarin namin ng Pangulo Duterte: Ayaw natin ang katiwalian sa gobyerno.


Masagasaan na ang masagasaan. Sinuman, kahit saanman nanggaling, kahit sumuporta man noong kampanya, kahit nakatrabaho man noon, basta pumasok sa korupsiyon ay mananagot.


Ang ating kampanya laban sa katiwalian ay hindi lang limitado sa pagsiguro na hindi nananakaw ang pera ng taumbayan. Dapat siguruhin din nating naibibigay ang tamang serbisyo para sa mga tao. Masaya tayong ibalita na nagbunga ng maganda ang ating apela sa PhilHealth, Department of Health at hospital groups na mag-usap at ayusin ang dapat ayusin hinggil sa circular ng PhilHealth na nagsususpinde sa mga allegedly fraudulent claims.


Ayaw nating masayang ang pondo ng PhilHealth pero ayaw naman nating mawalan ng mag-aalaga sa pasyente dahil apektado ang operasyon ng mga ospital kung hindi sila nababayaran. Ang kawawa ay ang mga ordinaryong Pilipino na nakasandal sa PhilHealth para sa kanilang pagpapagamot. Sana, tuluy-tuloy ang maayos na koordinasyon at pagtutulungan dahil iisa lang naman ang hangarin nating lahat — ang makapagligtas ng buhay at maproteksiyunan ang kalusugan ng ating mga kababayan.


At sa patuloy na pagresponde sa pandemya, hiling natin na anuman ang mga quarantine measures na ipinapataw ay patuloy tayong sumunod, tulad ng pagsusuot ng masks at face shields, paghuhugas ng mga kamay, pag-oobserba ng social distancing at pananatili sa bahay hangga’t maaari.


Higit sa lahat, magpabakuna na dahil pinaghirapan natin ito at libre ito sa mga Pilipino. Ang bakuna, kasama ng pagsunod sa health protocols, ang pinakaepektibong paraan para labanan ang sakit at malampasan ang krisis. Himukin natin ang isa’t isa na magpabakuna na upang maproteksiyunan ang populasyon tungo sa herd immunity at pagbalik sa normal na pamumuhay.


Bayanihan, pagkakaisa at malasakit ang susi upang masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan ngayong pandemya. Dapat walang Pilipinong maiiwan at walang pisong masasayang upang sama-sama tayong makaahon mula sa hirap.


Iba talaga ang sitwasyon ngayon. Kung anuman ang puwede nating gawin para mapagaan ang pinapasan ng ating mga kababayan ay gawin natin. Kaakibat nito ang pagsiguro na mabilis, maayos, at ligtas ang mga transaksiyon nila sa gobyerno.


Kaya nga kamakailan, umapela tayo sa Department of Transportation na aralin muna ang pagpapatupad ng Motorcycle Vehicle Inspection System. Maganda ang hangarin nito pero hindi ito ang panahon para dagdagan natin ang pinapasang hirap at gastos ng ating mga kababayan.


Sa huli, nagpapasalamat tayo kay P-Duterte sa pagbibigay noong Lunes, Agosto 23, ng mga insentibo at paggawad ng parangal sa mga nag-uwi ng medalya noong nakaraang 2020 Tokyo Olympics at pati na rin kay 1996 Olympic boxing silver medalist Onyok Velasco.


Kung may binitiwang salita ay kailangang tuparin ito. Patunay din ng political will ng administrasyong ito ang patuloy na pagpapaganda ng imprastuktura sa bansa. Kahapon lamang ay sumama tayo sa inagurasyon ng Cavite-Laguna Expressway (CALAX). Isa lang ito sa marami pang proyekto na magbibigay ng mas komportableng buhay para sa mga Pilipino.


At, bilang inyong lingkod, chair ng Senate Committees on Sports at Health, at nagsisilbing tulay kay Pangulong Duterte, patuloy nating ipaglalaban ang kapakanan ng bawat Pilipino at magseserbisyo tayo kahit saang sulok ng bansa para pakinggan ang inyong hinaing, mabigyan ng solusyon ang inyong mga problema, at mag-iwan ng ngiti sa oras ng inyong pagdadalamhati.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page