top of page
Search
BULGAR

Kailan matatanggap ang 13th month pension mula sa SSS?

@Buti na lang may SSS | December 05, 2021



Dear SSS,


Magandang araw. Ako ay SSS pensiyoner. Nais ko sanang itanong kung kailan maibibigay ang 13th month pension naming mga pensiyunado. Happy holidays at maraming salamat! – Tinio


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Tinio!


Simula noong Disyembre 1 at 4, 2021 ay natanggap na ng mga SSS pensioners ang kanilang December at 13th month pensions.


Sa kabila ng pandemya, sinikap ng SSS na ipagpatuloy ang tradisyunal na pagbibigay ng 13th month pensions sa mga pensiyunado nito. Simula noong 1988, binibigyan ng SSS ang mga pensiyunado ng 13th month pension tuwing sasapit ang Disyembre. Layunin nitong bigyan ng karagdagang benepisyo ang mga pensiyunado sa panahon ng Kapaskuhan bilang pamaskong handog ng SSS.


Ang 13th month pension ay katumbas ng isang buwan na basic monthly pension ng pensiyunado.


Halimbawa, Tinio, kung ang inyong tinatanggap na pensiyon ay pumapatak sa P7,000 kada buwan, ibig sabihin nito, ang 13th month pension ninyo ay katumbas din ng naturang halaga.


Para naman sa mga pensiyunadong tumatanggap na ng kanilang pensiyon mula sa bangko na kabilang sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet), matatanggap nila nang sabay ang 13th month at December pensions sa mga petsa na Disyembre 1 at 4, depende sa kanilang date of contingency.


Ang tinutukoy na date of contingency ay ang petsa ng kapanganakan, pagkahiwalay sa trabaho, pagsasara ng negosyo, o ang unang araw ng buwan o semestre kasunod ng huling pagbabayad ng kontribusyon para sa mga retiradong pensiyunado. Para sa mga survivor pensioner, ito ay ang petsa ng pagkamatay ng miyembro o petsa na ipinapalagay na namatay ang miyembro. Ang petsa naman ng pagkabalda ang susundin sa mga total permanent disability pensioner.


Sa mga partial disability benefit pensioners naman na tumatanggap ng kanilang pensiyon ng higit sa 12-buwan, kabilang din sila sa tatanggap ng 13th month pension.


Noong Disyembre 1 ay tumanggap ng 13th month at December pensions ang mga pensiyunado na ang date of contingency ay mula sa unang araw hanggang ika-15 araw ng buwan. Sa Disyembre 4 naman ang mga pensioners na ang date of contingency ay mula ika-16 hanggang ika-31 araw ng buwan.


Para sa mga pensiyunadong tumatanggap ng kanilang pensiyon sa mga bangkong hindi pa kasali sa PESONet, ang kanilang 13th month at December pensions ay matatanggap nila ng hindi lalampas ng Disyembre 4.


Nakipag-ugnayan na rin ang SSS sa Philippine Postal Corporation upang pabilisin ang delivery ng 13th month at December pensions ng mga pensyonado na patuloy pa ring tumatanggap ng kanilang pensiyon sa pamamagitan ng koreo.


Samantala, sa mga pensiyunadong kababalik lamang ng kanilang pension bunga ng suspensiyon at may accrued o naipong pension ay makatatanggap ng kanilang 13th month at December pension sa Disyembre 16, para sa mga bangkong kabilang sa PESONet, at sa date of contingency naman para sa mga bangkong hindi pa kasali sa PESONet.


Hangad namin mula sa SSS ang pagbibigay ng matinding kasiyahan sa aming mga pensiyunado, lalo na ngayong nalalapit na Kapaskuhan!


***


Nais naming ipaalam sa ating mga miyembro na noong Nobyembre 15, 2021 ay binuksan na ang aplikasyon para sa Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 5. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro ang mga naipong multa o penalties sa hindi niya nabayarang utang sa SSS tulad ng salary loan, Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019.


Maaaring mag-apply ang interesadong miyembro hanggang Pebrero 14, 2022 at mag-file ng application gamit ang kanilang My.SSS account.


Bukod dito, binuksan din ng SSS ang Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 4 noong Nobyembre 22, 2021. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila.


Tatagal ang pagtanggap ng aplikasyon hanggang Pebrero 21, 2022.


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page