top of page
Search
BULGAR

Kailan masasabing may high blood pressure o hypertension ang isang tao?

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | August 6, 2020



Dear Doc. Shane,


Kapag ba sumasakit ang batok at nahihilo, ibig sabihin ay mataas ang presyon? Huling kuha ng presyon ko ay bago pa mag-lockdown at medyo mataas ito. Wala akong maintenance na iniinom dahil nawala ang aking reseta at hindi pa ako nakabalik sa health center. Ako ay edad 54 na bagama’t naninigarilyo ay minsan lang naman ito. – Elmer


Sagot


Ang high blood pressure o kilala rin sa tawag na hypertension. Ang saklaw ng normal na presyon ng dugo ay 120/80 pababa. Kapag ang presyon ay nasa pagitan ng 121/81 at 139/89, ito ay maituturing na high normal o mataas, ngunit hindi pa rin kaaba-abala.

Subalit, kapag ang presyon ay umabot ng 140/90 pataas, ito ay maituturing ng alta-presyon o high blood pressure.


Tinaguriang “silent killer” ang pagkakaroon nito sapagkat hindi lahat ay nakararanas ng mga sintomas. Ngunit kadalasan, kapag naapektuhan ng kondisyong ito, ang pasyente ay maaaring makaramdam ng pananakit ng batok, pagkahilo, pagbigat ng ulo at marami pang iba.


Wala rin itong pinipiling edad—kahit ang mga 18-anyos lamang ay maaaring magkaroon nito. Kadalasan, nagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo kapag hindi malusog ang paraan ng pamumuhay ng tao. Ilan sa maaaring magdulot ng kondisyong ito ay ang labis na pag-inom ng alak, paninigarilyo, hindi pag-eehersisyo at labis na pagkain ng maaalat at matataba, pagiging overweight o labis ang timbang, katandaan at iba pang karamdaman. Bukod pa sa mga ito, ang posibilidad na magkaroon ng alta-presyon ay mamana mula sa mga magulang.


Karaniwang sintomas ng altapresyon o high blood pressure ang mga sumusunod:

  • Pananakit ng batok

  • Pagkahilo

  • Pagbigat o pananakit ng ulo

  • Panlalabo ng paningin

  • Paninikip ng dibdib

  • Hirap sa paghinga

  • Iregular na pagtibok ng puso

  • Pag-ihi na may kasamang dugo

  • Parang may pumipintig sa dibdib, leeg o mga tainga


Pag-iwas:

  • Mag-ehersisyo araw-araw upang mapanatili ang tamang timbang.

  • Iwasan ang pagkain ng maaalat at matatabang pagkain.

  • Kumain ng pagkain na mayaman sa potassium tulad ng saging upang mabawasan ang sobrang asin sa katawan.

  • Bawasan ang pag-inom ng alak at itigil ang paninigarilyo.

  • Iwasan ang mga bagay na makapagdudulot ng stress.

  • Ugaliing magpahinga at matulog ng walo hanggang 10-oras.


Kapag ang altapresyon ay ipinagsawalang-bahala, maaaring magkaroon ng iba’t ibang sakit tulad ng atake sa puso, stroke at sakit sa bato. Upang hindi na humantong pa sa ganitong kalagayan, magpasuri agad sa doktor upang mabigyan ng karampatang lunas.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page