top of page
Search

Kaibahan ng homicide at death caused in a tumultuous affray

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Feb. 15, 2025



ISSUE #345


Maaari bang maitaguyod ang konbiksyon ng isang akusado kung siya ay hinatulan sa isang uri ng krimen na naiiba sa isinampa laban sa kanya? 


Sa madaling salita, kung ang isinampang kaso ay aniya para sa krimeng death caused in a tumultuous affray, maaari bang ang konbiksyon ay para sa krimeng homicide?


Sa araw na ito, ating suriin ang naging paglilinaw ng Hukuman para sa mga apela, sa nasabing katanungan kaugnay sa isa sa mga kasong nahawakan ng ating tanggapan.


Sa kasong People v. Banua, et al. (CA-G.R. CR No. 45183, Marso 24, 2022) sa panulat ni Honorable Associate Justice Myra V. Garcia-Fernandez, ating tingnan kung paano ang daing ng isa sa ating mga kliyente na itago na lamang natin sa pangalang “Carlo”, kasama ang kanyang kapwa mga akusado, na pinal na natuldukan nang siya ay mapawalang-sala mula sa kasong nagmula sa akusasyon ng kamatayan na sanhi sa isang magulong awayan, o death caused in a tumultuous affray na tinutukoy at pinaparusahan ng batas alinsunod sa Artikulo 251 ng Act No. 3815, o mas kilala sa tawag na “Revised Penal Code”.


Bilang pagbabahagi ng mga pangyayari, ating suriin ang naging paglalahad mula sa bersyon ng panig ng tagausig. 


Sa buod ng mga testigo ng tagausig, noong ika-10 ng Nobyembre 2016, bandang alas-9:00 ng gabi, si Migs, hindi niya tunay na pangalan, ay nagtungo sa isang mataas na paaralan sa loob ng kanilang lokalidad upang dumalo sa isang sayawan na dinaluhan ng kanilang mga kabarangay. 


Bandang alas-10:00 ng gabi,  nagkaroon ng kaguluhan, kung saan nakita si Migs na nakahandusay sa sahig. 


Ayon sa salaysay ng mga saksi, nagkaroon ng mainit na pagtatalo si Migs kila Carlo at ang mga kasama nito patungkol sa isyu ng upuan. 


Kasunod ng nasabing pagtatalo, may nakakita aniya kay Carlo na may hawak na isang bato na ipinamalo kay Migs. Kasunod nito, ang dalawa pang kapwa akusado ni Carlo ay nagbitaw rin ng mga suntok. Sa puntong ito, nakahandusay na si Migs sa semento habang napapaligiran aniya nila Carlo.


Nabalitaan ng asawa ni Migs ang pangyayari at agad siyang pinuntahan nito, kung saan nasaksihan siyang nakahandusay sa sahig, walang malay at duguan ang bibig. 


Agad na dinala sa ospital si Migs, subalit  isang araw lang ang nakalipas ay binawian din ito ng buhay. 


Ayon sa medico-legal, nagtamo ng maraming pinsala si Migs na maaari lamang matamo sa pamamagitan ng maraming mananalakay.


Kinasuhan si Carlo at ang mga kasama nito ng krimeng kamatayan na sanhi ng isang magulong awayan, o death caused in a tumultuous affray, kasunod sa nasabing pagkamatay ni Migs.


Sa kanilang depensa, iginiit ni Carlo at ng mga kasamahan niya na wala silang kinalaman sa pagkamatay ni Migs.


Dagdag pa ni Carlo, anumang nangyaring pinsala o sugat kay Migs ay malamang nangyari matapos na siya ay makauwi. 


Isa pa, isa sa kanilang mga saksi ang nagtuturo na aniya, lango sa alak si Migs na siyang nagtungo sa sentro ng sayawan, kung saan nagkaroon ng pagkakagulo.


Matapos ang paglilitis, hinatulan ng Regional Trial Court o RTC si Carlo ng krimeng pagpaslang o homicide, habang ang kanyang dalawa pang kapwa akusado ay slight physical injuries. 


Napag-alaman ng RTC na ang mga elemento ng krimeng kamatayan na dulot ng magulong awayan ay kulang sa kaso at pinaniniwalaan na ang pagkamatay ng biktimang si Migs ay hindi resulta nito. 


Sa halip, pinaniwalaan ng RTC na si Carlo na aniya ay natukoy na nagdulot ng nakamamatay na suntok kay Migs gamit ang isang bato ay dapat managot sa krimeng homicide. 


Ayon sa RTC, sapat ang alegasyon para sa krimeng homicide sa impormasyon bagaman iba ang nakasaad na pangalan o titulo ng krimeng aniya ay nagawa.


Kaugnay sa nabanggit, inakyat sa Court of Appeals o CA sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Roman Carlo Loveria mula sa aming PAO-Special and Appealed Cases Service (PAO-SACS) ang kaso ni Carlo. 


Iginiit ni Carlo sa kanyang appellant’s brief na nagkamali ang RTC sa desisyong hatulan siya para sa krimeng homicide sa kabila ng kabiguan ng impormasyon para sa krimeng kamatayan na dulot ng magulong awayan na isaad ang “layuning pumatay” o intent to kill na siyang rekisito ng krimeng homicide. 


Bukod pa rito, iginiit ni Carlo ang pagkabigo ng tagausig na patunayan ang pagkakakilanlan ng mga responsable sa aniya ay pagpaslang.


Tulad ng ating unang nabanggit, sa desisyon na may petsang ika-24 ng Marso 2022, pinal na tinuldukan ng CA ang daing ni Carlo nang siya ay mapawalang-sala.

Bilang panimula, binigyang-diin ng CA na isa sa mga pangunahing karapatan ng isang taong akusado sa isang kriminal na pag-uusig na ginagarantiyahan ng Konstitusyon ay ang karapatang malaman ang kalikasan at sanhi ng mga akusasyon laban sa kanya, 

Section 14.

1. No person shall be held to answer for a criminal offense without due process of law.

2. In all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved, and shall enjoy the right to be heard by himself and counsel, to be informed of the nature and cause of the accusation against him, to have a speedy, impartial, and public trial, to meet the witnesses face to face, and to have compulsory process to secure the attendance of witnesses and the production of evidence in his behalf. However, after arraignment, trial may proceed notwithstanding the absence of the accused: Provided, that he has been duly notified and his failure to appear is unjustifiable. 


Kinakailangan na ang bawat elementong bumubuo sa krimen ay dapat na mailahad sa reklamo o impormasyon. 


Ang pangunahing layunin ng pag-aatas na ilahad ang lahat ng elemento ng isang krimen na itakda sa impormasyon ay upang bigyan ng oportunidad ang akusado na maihanda ang kanyang depensa. Ito ay kaugnay sa ipinapalagay na walang independiyenteng kaalaman sa mga katotohanang bumubuo sa pagkakasala ang isang akusado.


Ang litisin at hatulan ang isang akusado, sa isang pagkakasala maliban sa isinasaad sa impormasyon ay magiging paglabag sa kanyang karapatan.


Bagaman parehong merong biktimang nasawi sa krimeng homicide at death caused in a tumultuous affray, malaki ang kanilang pagkakaiba sa mga rekisito o elemento. 


Ang krimeng homicide ay hindi kasama sa krimeng death caused in a tumultuous affray, at higit sa lahat, ang Homicide ang mas mabigat na krimen. 


Bagaman tama ang RTC na ang totoong uri ng akusasyong kriminal ay hindi nakadepende sa kung ano ang nakasaad sa pangalan o titulo nito at sa halip ay kung ano ang nakasaad sa paglalahad ng mga pangyayari sa laman ng impormasyon, sa kasong ito, malinaw ang impormasyon na ang alegasyon ay para sa krimeng kamatayan na dulot ng magulong awayan. Dahil dito, hindi maaaring itaguyod ng CA ang desisyon ng RTC.


Sa kabilang banda, hindi rin maaaring mahatulan sa kasong isinampa na death caused in a tumultuous affray na nakasaad sa impormasyon si Carlo dahil hindi rin napatunayan ang mga rekisito nito. Binigyang-diin ng CA na walang tumultuous affray kapag walang grupo ng mga tao na sangkot sa magulong awayan, at lalo kung ang taong aniya ay nagbigay ng mabigat o nakamamatay na pinsala ay nakilala tulad aniya ni Carlo sa alegasyon ng tagausig, dahil sa pagkabigo ng tagausig na patunayan ang nasabing krimen – nararapat na mapawalang-sala si Carlo.


Muli, pinaalala ng CA na tumataas o bumababa ang kasong kriminal sa lakas ng kaso ng prosekusyon at hindi sa kahinaan ng depensa. 


Kaugnay nito, dapat munang malampasan ng tagausig ang pagpapalagay ng inosente o presumption of innocence ng bawat akusado sa pamamagitan ng pagpapatunay sa mga elemento ng krimen at ang pagkakakilanlan ng akusado bilang salarin sa pamamagitan ng ebidensiyang lampas sa makatuwirang pagdududa. 


Ang mga nabanggit ay hindi napunan ng tagausig sa kasong ito. Dahil dito, dapat mapalaya si Carlo.


Samakatuwid, hinding-hindi dapat balewalain ng Estado ang kahalagahan ng wastong paraan ng pagbibintang o paglalahad ng kalikasan at sanhi ng akusasyon sa isang impormasyon, dahil ang isang akusado ay hindi maaaring mahatulan ng isang pagkakasala na hindi kasama o malinaw sa reklamo o impormasyon.

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page