ni Gerard Arce @Sports | June 1, 2023
Hindi magpapaawat sa pagtupad ng kanyang pangarap si 7-foot-3 Filipino stalwart Kai Zachary Sotto para makapasok sa premyadong liga ng National Basketball Association (NBA).
Ito’y kasunod ng panibagong post sa kanyang Instagram story na nagpapakita ng tanawin ng Salt Lake City sa Utah, kung saan naglalaro ang kapwa kababayan na si Filipino-American Jordan Clarkson.
Nakatakdang sumabak sa isang minicamp ang 21-anyos mula Hiroshima Dragonflies sa Japan B.League kasama ang ibang free agents at international prospects kahapon at bagyong araw (oras sa Pilipinas).
Kasalukuyang nagbabalasa ng line-up ang Utah Jazz at naghahanap ng big man, kung saan tinatarget rin nila ang serbisyo ni Deandre Ayton ng Phoenix Suns sa isang trade, habang mayroon na ring mahusay na big man ang Jazz sa katauhan ni Walker Kessler, na napabilang sa All-Rookie Team.
Ayon sa inilabas ng The Salt Lake Tribune, nasa proseso umano ang Jazz ng rebuilding at naghahanap ng mga manlalarong maaaring kumuha ng mga mababakanteng puwesto, gayundin ang pagsandal sa kanilang picks sa 2023 NBA Draft picks sa first round kabilang ang No. 9, 16 at 28. “No less than Justin Zanik [general manager] noted that there could be a lot of change coming this offseason. There are key guys with player options who could decide not to return. There are three draft picks in hand. And with a haul of picks owed to them down the road, there’s the possibility of making some big trades,” ayon sa inilathala ni Eric Walden nitong Lunes (oras sa Amerika).
Pagdating naman kay Sotto, nabigo itong mapili ng anumang koponan sa nagdaang 2022 NBA Draft, upang maging free agent ito at undrafted, dahilan para bumalik sa dating koponan sa Australian NBL.
Comments