ni Maestra Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | July 30, 2024
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rene ng Catanduanes.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na pumunta ako sa kusina nang bigla kong mapansin ang bote ng suka sa ibabaw ng lamesa. Kung titingnan parang napakaasim nito, at maitim na ang kulay. Samantala, napansin ko rin ‘yung tsaa. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Rene
Sa iyo, Rene,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na pumunta ka sa kusina, at bigla mong napansin ang bote ng suka na parang napakaasim ay makakarinig ka ng maaasim at maaanghang na salita mula sa taong nakapaligid sa iyo. Mas makakabuting huwag mo na lang sila pansinin kung ayaw mong mauwi sa matinding argumento ang usapan n’yo. Maliban na lang kung gusto mo talagang makipag-debate sa kanila upang mapatunayan na mali sila sa panghuhusga sa iyo.
Samantala, ang ibig sabihin ng tsaa ay makakaranas ka ng mga pangyayari na magdudulot sa iyo ng labis na pag-aalala at pagkabalisa, subalit kung mag-iingat at magiging alerto ka, maiiwasan mo ito. Maging mapagmatyag at mahinahon upang maiwasan ang mga pangyayaring magdudulot sa iyo ng negatibong epekto.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna
Comments