ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | October 29, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Trixie ng Pateros.
Dear Maestra,
Madalas akong managinip ng butterfly na iba’t ibang kulay. May puti, itim, magkahalong black and white at may dilaw din.
Ano ang ibig ipahiwatig ng panaginip ko?
Naghihintay,
Trixie
Sa iyo, Trixie,
Ang mga paroparo sa panaginip mo ay mahiwaga ang kahulugan. Marahil, mapapansin mo na kapag ang mahal mo sa buhay ay sumakabilang buhay na, nagpaparamdam ang kanilang kaluluwa sa pamamagitan ng paroparo. Paikot-ikot sila sa iyo o sa paligid ng bahay n’yo at minsan ay dumadapo at namamalagi pa sa bahay at umaalis lang kapag alam nila na napansin mo na ang pagpaparamdam nila sa iyo.
Ang puting paroparo sa panaginip mo ay nagpaparamdam sa iyo na nasa langit at payapa na ang kinalalagyan nila sa kabilang buhay. Physical body lang ang nawala, pero buhay pa rin ang kaluluwa nila ru’n at patuloy na nakatunghay sa iyo. Kaya kung may mabigat kang problema, nagpaparamdam sila sa pamamagitan ng pagsanib sa puting paroparo at nagpaparamdam na handa pa rin silang dumamay sa iyo sa panahon ng kalungkutan. Gayundin, nakaalalay pa rin sila upang hindi ka mawalan ng pag-asa.
Ang itim na paroparo ay nangangahulugan na ang yumaong mahal sa buhay ay humihingi pa ng dasal dahil sa madilim na lugar nasadlak ang kanilang kaluluwa. Kailangan mong magpamisa at ipagdasal na hanguin sila sa madilim na lugar na ‘yun upang makarating sa langit.
Habang ang black and white ay nagpapahiwatig na may conflict sa mga desisyon mo sa buhay. Ito rin ay nangangahulugang pagod na pagod ka na at gusto mong mamahinga kahit isang araw lang. Nagpaparamdam ang paroparo sa iyo dahil pinapaisip na pangalagaan mo ang iyong kalusugan upang malagpasan mo ang mga pagsubok sa buhay.
Samantala, ang dilaw na paroparo ay nagpaparamdam sa iyo ng mabilis na pagbabago tungo sa pag-unlad. Sa kabila ng mga pagsubok, may nakalaan pa ring pag-unlad, tagumpay, kaligayahan at mga pagpapala, kaya hindi ka dapat mawalan ng pag-asa. Nakatunghay sa iyo ang kaluluwa ng mahal mo sa buhay na yumao na. Magpaparamdam sila sa pamamagitan ng mga paroparo sa panaginip mo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna
Comments