ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 26, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Matet na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Bakit ko napanaginipan ‘yung ex-boyfriend ko? Sa totoong buhay, masaya naman ako sa asawa ko at may dalawang anak na kami. Sa panaginip, parang kami pa rin ng ex ko. Namasyal kami sa mall, tapos binilhan niya ako ng bagong pantalon at iba pang personal kong pangangailangan. Gayundin, kumain kami, tapos umuwi na.
Naghihintay,
Matet
Sa iyo Matet,
Palagi namang ganu’n ang sinasabi ng mga may asawa na – “Masaya ako sa asawa ko.” Ang ganitong mga salita ay parang letra lang sa musika na masarap pakinggan, pero hanggang doon lang ‘yun.
Paano nga ba huhusgahan kung masaya si misis sa asawa niya? Siyempre, kapag may pera. Kapag walang pera si misis, kahit sabihin niyang siya ay masaya, hindi ‘yun totoo.
Okey ba ang financial needs na basehan na masaya si misis? Kung oo, puwede na ring sabihin na ikaw nga ay masaya. Pero sabi nga, hindi na sa pera o sa dami nito nakasalalay ang saya at ligaya. Marami ka ngang pera, pero wala namang lambing si mister, siyempre, mapapaisip ka, masaya ka nga ba o hindi?
Kapag ang babae ay nagtanong kung siya ba ay masaya o hindi, hindi na kailangan ang sagot dahil sa pagtatanong pa lang niya sa kanyang sarili, sure na may lungkot siyang dala-dala sa kanyang puso.
Kaya muli, ‘yung totoo, masaya ka ba sa mister mo? Ang panaginip mo na ang sasagot at ito ay nagsasabing hindi ka masaya.
Ito ang tunay na tagong dahilan kung bakit napapanaginipan ang mga “ex.” Pero hindi naman ito agad-agad na nagsasabing magbabalikan kayo ng ex mo.
May pagkakataon na natatauhan si mister na bukod sa pera, kailangan din pala ni misis ng lambing at atensiyon. Kumbaga, paminsan-minsan, kailangan nilang lumabas ni mister at ibibili siya ng kanyang personal na gamit.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments