top of page
Search
BULGAR

Kahulugan ng namatay ang erpat na retired pulis

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 1, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Ariel na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Isang retired police ang tatay ko at kareretiro lang niya ngayong taon. Sa panaginip ko, kinausap ako ng nanay ko at sabi niya, “Wala na ang tatay mo, patay na!” Habang kausap ako ng nanay ko, inaayos niya ‘yung uniform ng tatay ko na isusuot niya. Pagkatapos nu’n, bigla kong binuksan ang TV at ipinakita sa balita na wala na ang tatay ko. Nakahiga siya sa kalsada habang hawak ng pulis na nag-iimbestiga ang kanyang ulo.


Sa totoo lang, natatakot ako tuwing umaalis siya dahil ‘yung namatay niyang kaibigan na pulis din ay pinatay noong nakaraang taon. Kinausap niya ang tatay ko na may death threat silang dalawa noong nakaraang buwan lang. Kaya hindi naalis sa akin ang kaba at masagi sa isip ko na baka mawala ang tatay ko, lalo na’t marami kaming kaaway sa lupa, na inaangkin ng ibang tao na hindi purong taga-rito sa amin.


Sana ay mabigyang-linaw n’yo ang panaginip kong ito upang mawala na ang takot ko. Maraming salamat!


Naghihintay,

Ariel



Sa iyo, Ariel,


Alam mo, ang kadalasang laman ng panaginip ay ang mga alalahanin, pangamba at takot ng nanaginip.


Sa ganitong katotohanan, makikitang normal na mapanaginipan mo ang iyong ama na patay na dahil sa totoong buhay pala ay may death threat silang dalawa ng namatay niyang kaibigan.


Ipanatag mo ang iyong kalooban dahil ang mga alalahanin, pangamba at takot ng isang tao ay hindi naman nagkakatotoo. Dahil ang totoo, iho, ang alalahanin, pangamba at takot ay nasa isip lamang.


Mas maganda sa tao ang mabuhay nang positibo kung saan ang inaasikaso ay ang kanyang mga pangarap, ambisyon at magandang kinabukasan, kaya sa ganito dapat umikot ang iyong mundo.


Ang mga negatibong bagay ay dapat tanggapin nang maluwag sa loob dahil normal lang din naman na ang Haring Araw ay namamaalam sa dapit-hapon, pero masayang bumati ng bagong umaga sa bukang-liwayway.


Ilagay mo sa iyong isip na auman ang mangyari sa tatay mo, kagustuhan ng langit ang matutupad at masusunod sa dakong huli. Sa ganitong paraan, mapapanatag ka na.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Recent Posts

See All

Komentáře


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page