ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 29, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Yolly na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Ang gara ng napanaginipan ko. Nanaginip ako na nakunan ako at nakita ko ‘yung fetus, tapos iyak ako nang iyak. May boyfriend ako sa totoong buhay at 8 years na kami, pero wala pa rin kaming anak hanggang ngayon.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko, mabubuntis ba ako at makukunan?
Naghihintay,
Yolly
Sa iyo, Yolly,
Masasalamin sa panaginip mo na nakunan ka dahil sa sobrang tagal na hindi ka mabuntis ng boyfriend mo at sa loob ng walong taon ay parang nawawalan ka na ng pag-asa.
Mali naman ang ganu’n na sobrang negatibo ka dahil ang tama ay kung ano ang nasa isip ng tao, ‘yun ang puwedeng mangyari sa kanya sa tunay na buhay. Kumbaga, mag-isip ka ng positibo at positibong resulta rin ang makukuha mo. Mag-isip ka ng negatibo, negatibong bagay din ang mapasasaiyo.
Ang ganitong katotohanan ay hindi naman nalalayo sa Batas ng Kapalaran na “Kung ano ang iyong itinanim, ito rin ang iyong aanihin.”
Dahil dito, narito ang ilang rekomendasyon para ikaw ay magkaanak:
Buhayin mo ang namamatay nang ningas ng iyong pag-asa.
Huwag mong hayaan na muling maapektuhan ka dahil 8 years na kayo ay hindi ka pa mabuntis.
Tuwing magtatalik kayo, dapat positibo ang nasa isip mo.
Bawat kilos, itugma mo sa posibilidad na ikaw ay magkakaanak na.
Sa mga pagkain, dapat ay masusutansiya na pagkain para sa iyong malusog na pagbubuntis. Ganundin sa mga inumin, mas magandang umiwas ka sa mga inumin nakakasira ng katawan.
Hindi lang sa pagkain kundi maging sa pag-aayos sa sarili mo kung saan mas maganda na maingat ka nang masugatan o masaktan.
Sa pagtulog at paggising ay ganundin, matulog ka nang may positibong pananaw.
Sa pakikipagkaibigan, mas maganda na masayahin ang iyong makakakuwentuhan. Kaya lumayo sa mga palaangal, reklamador at mga taong walang nakikita sa kapwa kundi ang kapintasan.
Makinig ka sa mga payo ng mga dalubhasa, kaya ‘wag kang tutulad sa iba na may nabasa lang sa internet ay parang mga eksperto na.
Higit sa lahat, huwag na huwag kang makakalimot sa Diyos na iyong kinikilala dahil Siya lamang at wala nang iba ang makatutulong sa pangarap mong magkaanak na. Kaya araw-araw, iisipin mo na ipagkakaloob na ni Lord ang kagustuhan mong magka-baby na.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments