ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 22, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Myla na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Last year, napanaginipan kong nag-uusap kami ng kapatid ko nang biglang nagliwanag ang kalangitan at nakita ko ang buwan na bilog na bilog at maliwanag, tapos nagpakita si Mama Mary, pero ang imahen ay si Our Lady of Fatima.
Nakita ko kasi ang kanyang kasuotan na may light blue. Nu’ng nakita ko si Mama Mary, pumikit ako at nagdasal at humiling ako na bigyan kami ng malaking biyaya.
Ang pangalawa kong panaginip ay noong unang linggo lang ng January. Napanaginipan kong nagpakita sa akin si God at nasa probinsiya ako noon kasama ang aking limang kapatid.
Habang naglalakad ako sa kalsada, nakakita ako ng bulalakaw, hindi ako gaanong nakapag-wish sa unang bulalakaw, tapos may sumunod pang isa at humiling ulit ako.
Pagkabanggit ko ng wish ko, sabi ko sa aking kapatid, “Si God, si God!” Nagpakita Siya sa kalangitan, ‘yung ulap ay nag-form ng mukha ni God at kitang-kita sa panaginip ko ang mukha Niya sa ulap.
Nagdasal ako nang taimtim, tapos narinig ko ang boses ni God at sabi Niya, “Your wish is my command,” tapos noong binanggit ko sa dasal na manalo kami sa lotto, sinagot ni God sa akin, “Your wish is granted.”
Noong narinig ko ‘yung sinabi ni God, lumuhod ako sa kalsada at nagpuri ako sa kanya, kasama ko ang dalawa kong kapatid at sabay-sabay kaming nagpuri at nagpasalamat sa Panginoon. Pagkatapos namin magpasalamat, bigla na akong nagising.
Ano ang kahulugan ng mga panaginip kong ito? May chance ba na manalo kami sa lotto? Maraming salamat!
Naghihintay,
Myla
Sa iyo, Myla,
Oo, iha, napakalaki ng tsansa na manalo kayo sa lotto at dahil ang lotto ay pakikipagsapalaran sa mga numero, ang payo ay tayaan mo ang mahahalagang petsa sa buhay mo, lalo na ang mga petsa kung kailan sinuwerte ka o sa mga petsang natupad ang mga hiling mo.
At dahil ang ilan sa mahahalagang petsa sa isang tao ay ang mismong kaarawan niya, tayaan mo ang date of birth mo.
Gayundin, dahil mahalaga sa buhay ng tao ang kanyang mga magulang at kapatid, tayaan mo rin ang kanilang date of births.
Ganundin sa mahahalagang tao na naging bahagi ng buhay mo, tayaan mo rin ang kanilang date of births.
Pero ang huwag na huwag mong kalilimutan ay ang numero ni Mama Mary na numerong 8 tulad ng 8 mismo,17, 26, 35, 44 at iba pang mga numero na kung tawagin ay 8s.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comentários