ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 19, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jacob ng Nueva Ecija.
Dear Maestra,
Magandang araw sa inyong lahat.
Tagahanga ako ng column ninyo at gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko.
Napanaginipan kong nakabili ako ng lupa sa isang exclusive subdivision at naisipan kong dalawin ang nabili kong lupa. Nang dumating ako sa lugar na ‘yun, nakita ko ang mga lampara na nagniningning sa liwanag. Kinuha ko ang isa sa lampara at biglang humina ang ilaw nito hanggang tuluyang mawala ang sindi. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Jacob
Sa iyo, Jacob,
Maganda ang ibig sabihin ng nakabili ka ng lupa sa isang exclusive subdivision dahil ito ay nangangahulugan ng kayamanan at pagiging malaya sa buhay. Masaya at masaganang pamumuhay nang walang may nakikialam o nakikihati sa iyong kayamanan.
‘Yun namang nakakita ka ng mga lampara na nagniningning sa liwanag, ito ay nagpapahiwatig ng pagtitipon dahil may dadaluhan kang party at maaaring ito ay kasalan o birthday.
Ang sabi mo, kinuha mo ang isa sa lampara at biglang humina ang ilaw hanggang tuluyan nang mawala ang sindi, ito naman ay nagpapahiwatig na hindi lahat ng araw ay puro kaligayahan. Darating at darating ang kalungkutan. Made-delay ang iba mo pang plano at pangarap sa buhay kung saan hindi mo agad makakamit ang iyong minimithi. Dadaan ka muna sa mga pagsubok at pagtitiis bago mapasaiyo ang lahat ang ninanais mo sa buhay.
Huwag kang masyadong mapaghangad. Sa halip, maging kuntento ka na kapag nakamit ang isang pangarap dahil hindi lahat ay puwedeng mapasaiyo. Kapag napakaraming pangarap ng isang tao, natural lamang na hindi mapasakanya ang lahat ng ito at siyempre, kalungkutan ang mararamdaman kapag hindi nakamit ang minimithi.
Sadyang ganyan ang buhay sa mundo. Kung may lungkot, may ligaya. Kung masaya ka ngayon, sa susunod na araw ay hindi na. Paikot-ikot lang ‘yan kaya dapat palagi kang handa at maging matatag. Huwag ka ring mawawalan ng pag-asa. Palagi mong isaisip na hangga’t mayroong lakas, may gintong silahis ang araw ng bukas.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna
Comentarios