top of page

Kahulugan ng multo at nagtatawanang mga anak

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 7, 2022
  • 2 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | February 07, 2022



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Fatima ng Bulacan.


Dear Maestra,


Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko dahil nakakatakot ito.


Napanaginipan ko na nasa terrace ako ng bahay namin at nagpapahangin. Narinig kong nagtatawanan at nagkakatuwaan ang mga anak ko sa silid nila, tapos dali-dali akong pumasok sa bahay upang tingnan sila. Nang akmang bubuksan ko na ang pinto sa kuwarto, may anino na parang multo at nakikipag-unahan sa akin para buksan ang pintuan.


Nabuksan ko ang pinto at agad akong pumasok, pero wala namang tao at wala ru’n ang mga anak ko. Nakapasok din ‘yung multo at bigla akong napaupo sa sahig, pero nawala ‘yung multo. Ano ang ipinahihiwatig ng panaginip ko?


Naghihintay,

Fatima


Sa iyo, Fatima,


Huwag kang matakot sa napanaginipan mo dahil hindi porke nanaginip ka ng multo ay ganu’n na rin sa totoong buhay. Ang ibig sabihin ng multo sa panaginip mo ay maging maingat ka sa pakikitungo sa mga mahal mo sa buhay, gayundin sa iyong mga kaibigan.


Iwasan mong gumawa ng bagay o makapagsalita nang makakasakit sa kalooban nila.


Huwag ka ring pabigla-bigla sa mga kilos at pananalita. Maging magiliw ka sa pakikitungo sa kanila dahil may babala na magkakatampuhan kayo ng mga mahal mo sa buhay o maging ang matalik mong kaibigan.


Samantala, ang mga anak mo na narinig mong nagtatawanan, ito ay nangangahulugan ng kabiguan, subalit ang sabi mo, nang tingnan mo sa kuwarto ay wala naman sila ru’n, ang ibig sabihin ay hindi ka mabibigo, sa halip ay magtatagumpay ka sa binabalak mong gawin, lalo na kung ito ay may kaugnayan sa pagnenegosyo.


Magiging masaya ka rin sa piling ng iyong asawa dahil makikiisa siya sa iyo. Kumbaga, magiging magkatuwang kayo sa pagnenegosyo at iba pang gawain na binabalak n’yong isakatuparan sa inyong pamumuhay.



Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page