ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 12, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Honey na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Noong nakaraan, nanaginip ako na marunong ako sa mga Latin at may San Benito akong suot, pero hindi ko alam kung saan galing. Tapos kagabi, nanaginip na naman akong may suot akong San Benito na medallion, may dasal na, pero dinadasalan ko ang sator at mahaba ‘yun. Tapos, pumunta kami ng kapatid ko sa sementeryo, nakita ko ang kapatid kong nagulat at may humahabol sa kanyang kabaong.
Sabi, “Ayan na, hinahabol siya!” Tapos, karipas siya ng takbo sa akin habang papalapit ‘yung kabaong. May dinadasal ako sa medallion at biglang nagliwanag ang San Benito ko at sabi ko, “Hindi ‘yan maaano!”
Pero nakita ko ‘yung babae na parang poon, nakapikit at maputi. Maganda siya sa loob ng kabaong at puti ang kulay ng kabaong niya. Tapos, huminto siya sa pagdarasal ko ng Latin sa medallion habang hawak ko ito.
Lagi akong nananaginip na mayroon akong medallion at magaling ako sa orasyon, pero sa tunay na buhay, wala naman akong medallion. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?
Naghihintay,
Honey
Sa iyo, Honey,
Ang panaginip mo ay nagsasabing sa totoo lang, ikaw ay may kapangyarihang taglay at ito ay banal na kapangyarihang bigay sa iyo ng Makapangyarihan sa lahat. Sa ngayon, hindi mo pa alam kung ito nga ay totoo, pero darating ang pagkakataon na kusa mong gagamitin ang kapangyarihang ito para sa mga tao.
Ipagpatuloy mo ang pagmamahal mo sa nasa itaas. Gayundin, ipagpatuloy mo ang pagmamahal at pagtulong sa mga tao. Ang dalawang pagmamahal na ito ang tunay na pinanggagalingan ng lahat ng kapangyarihan na puwedeng mahawakan ng isang tao.
Oo, iha, ikaw ay may taglay na banal na kapangyarihan at muli, gamitin mo ito upang makatulong sa iyong kapwa at ganap na mapanuto ang buhay mo at ang buhay ng iyong pamilya.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments