Kahulugan ng manok at bubuyog
- BULGAR
- Oct 18, 2024
- 1 min read
ni Maestra Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | Oct. 18, 2024
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Laura ng Taguig.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na pumunta ako sa poultry. Mas nadagdagan pala ang mga alaga naming manok, habang libang na libang akong panoorin ang mga ito, bigla naman akong kinuyog ng mga bubuyog.
Meron pala kasing pugad ng bubuyog malapit sa kulungan ng mga manok namin.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Laura
Sa iyo, Laura,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na pumunta ka sa poultry at mas nadagdagan ang bilang ng mga manok ay pansamantalang made-delay ang mga plano mo sa buhay, at may mga sagabal kang mararanasan.
Ang kinuyog ka ng mga bubuyog ay nagpapahiwatig na ang kasalukuyan mong trabaho ay hindi magiging madali. Marami kang kakaharaping pagsubok at kakailanganin mo rin ang matinding pagsisikap. Ngayon ka dapat mas maging masipag at matiyaga. Pero, huwag kang mag-alala, dahil lahat ng pagsisikap mo ay gagantimpalaan din ng tadhana.
Magtatagumpay ka at uunlad ang iyong pamumuhay, hanggang sa yumaman at kilalanin ka sa inyong lugar.
Samantala, ang pugad ng bubuyog malapit sa poultry n’yo ay tanda na ang matindi mong pagsisikap, pagtitiyaga, kasipagan at tibay ng loob ang magdadala sa iyo sa tugatog ng tagumpay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna
Comments