Kahulugan ng lovebird
- BULGAR
- Feb 23, 2024
- 1 min read
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Pebrero 23, 2024
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lady Marie ng Dagupan.
Dear Maestra,
Mahilig ako sa lovebirds hanggang sa napanaginipan ko na binigyan ako ng dalawang pares ng bestfriend ko.
Ang ganda at nagkikislapan ang mga pakpak nila kapag nasisinagan ng araw. Palagi kong pinapanood ang paglalambingan nila. Isang araw, natawa ako dahil nakita kong naghahalikan sila at para bang gustong magtalik hanggang sa pumatong na ‘yung lalaking lovebird doon sa partner niya.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Lady Marie
Sa iyo, Lady Marie,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na binigyan ka ng lovebirds ng bestfriend mo ay mababago na ang kasalukuyan mong sitwasyon. Gaganda na ang iyong buhay.
Ang bilang na dalawang pares ay nangangahulugan na pabagu-bago ang iyong isipan, madali kang magpalit ng desisyon. Moody at madali ka ring panghinaan ng loob.
Ang magandang pakpak ng lovebirds, at kumikislap kapag nasisinagan ng araw ay nagpapahiwatig na makakatanggap ka ng award d’yan sa barangay n’yo.
Samantala, ang natawa ka nang makita mong panay ang halikan ng lovebirds hanggang sa pumatong na ‘yung lalaki sa partner niyang babae ay senyales na dapat kang mag-ingat sa pagpili ng magiging kasama mo sa buhay. Maaaring lumuha ka lang kung mali ang mapipili mong lalaki.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna
Comments