ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 27, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Room na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Pakibasa ang panaginip ng anak ko dahil iniisip ko na baka may bumabarang sa kanya.
Nanaginip daw siya ng marami at iba’t ibang klase ng insekto na nasa kanyang katawan. Kinakagat daw siya ng mga insekto, tapos dumugo ang balat niya. Lumalala ‘yung kinagat nila at sobrang sakit, makati at maraming dugo. Tapos, nagpalit siya ng damit, pero mayroon pa ring mga insekto.
Nanaginip din siya ng ine-enroll sa iskul, tapos may itinatayong bagong school at kaunti lang ang mga estudyante. Baku-bako ‘yung daan papunta ru’n.
Tapos, nanaginip siya na may mga sinaunang tao. Gayundin, may dagat na hindi naman gaaanong maalon, pero hindi rin kalmado, eksakto lang. May maliliit na alon, tapos may barko sa gitna.
Naiisip ko na baka may banta sa buhay ng anak ko at nananalangin ako na sana ay maproteksiyunan siya.
Naghihintay,
Shierly
Sa iyo, Shierly,
Nabarang? Mambabarang? Insekto? Sakit? Ito ba ay totoo?
Oo, totoo na may mambabarang, kaya totoo rin na may nababarang at totoo rin na insekto ang kadalasang gamit sa pambabarang.Totoo rin na kumakati ang balat at ang laman o loob ng katawan kapag nababarang.
Pero ang panaginip na kinagat ng mga insekto ay hindi nangangahulugan ng nabarang.
Ang panaginip ng anak mo ay nagsasabing siya ngayon ay nangangailangan ng vitamins at mineral dahil kinakapos na siya sa sustansiya, kaya siya ay pinapayuhan na kumain ng mga prutas o pagkaing mayaman sa phosphorus. Kaya ang mahigpit na inirerekomenda ay kumonsulta rin siya sa mga espeyalistang doktor at hindi rin inirerekomendang kumonsulta siya sa albularyo.
Ang mga sariwang gulay ay makabubuti rin sa kanya. Puwedeng-puwede ang mga pagkain ng mga bunga ng halaman na nahuhukay sa lupa tulad ng kamote, gabi, ube at iba pa.
Ang pamamasyal sa magagandang tanawin ay malaki ang maitutulong sa kanya. Gayundin ang pakikinig sa masasayang musika at panonood ng mga palabas na nakapagpapasaya.
Ipinapayo rin na ikonsidera ang paglipat ng mas magandang manirahan kung saan dapat kaunti lang ang mga kapitbahay.
Ang isa pang epektibong paraan ay ang pagkakaroon ng masaya at maligayang love life.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments